Home Headlines Roman patuloy ang pagtulong sa panahon ng pandemya

Roman patuloy ang pagtulong sa panahon ng pandemya

1636
0
SHARE

Congresswoman Geraldine Roman


 

LUNGSOD NG BALANGA — Patuloy ang pagtulong ni 1st District Rep. Geraldine Roman at ng kaniyang buong pamilya sa kanilang mga kababayan lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.

Ito ang sinabi ngayong Miyerkules ni Atty. TonyboyRoman, chief legal counsel ng kaniyang kapatid na kongresista.

Atty. Tonyboy Roman

Sinabi ng abogado na bagama’t walang opisyal na pondo ang kaniyang kapatid, hindi ito naging balakid para makatulong sila habang nananalasa ang coronavirus disease.

Namigay umano sila ng 4,000 kaban ng bigas sa anim na bayan sa unang distrito at tig-P10,000 sa bawat barangay sa dalawang distrito na binubuo ng 237 barangay.

May 10,000 pamilya sa 1st district at 10,000 pamilya rin sa 2nd district ang nabahaginan nila ng gatas para sa mga bata.

“Kasi napagtanto namin na sa pamimigay ng relief goods medyo dehado ang mga kabataan dahil puro bigas, de lata ang pinamimigay at alcohol pero ang mga pangangailangan ng bata nalilimutan kaya pinagtuunan namin ng pansin, sabi ni Tonyboy.

Upang madagdagan ang kanilang pondo, kumatok daw sila sa mga kumpanyang may kakayahang tumulong dahil sa kanilang corporate social responsibility tulad ng San Miguel Corp., Pascual laboratory, Pepsi, at Century Tuna na agad naman daw nagpadala ng mga tulong.

Ang San Miguel Corp., aniya, ay namigay ng alcohol, de lata, at mga manok; ang Pascual Laboratory ng Vitamin C, ang Pepsi ng beverages, at ang Century Tuna ng mga de lata at gatas.

Oh my gulay

Upang magkaroon ng dagdag na pagkain ay naglunsad si Geraldine ng programang “Oh my gulay” na ang pakay nito ay ma-encourage ang pagtatanim sa backyard. “Sa panahon ngayon, kailangan maging self-sufficient at kung kayang tulungan ang mga sarili ay gawin ito,” sabi ni Tonyboy.

“Alam niyo ang kantang bahay kubo, meron kaming mga buto na pinamimigay sa mga pami-pamilya para magtanim sila sa backyard, sabi pa nito. May pacontest umano at binibigyan ng award bawat linggo ang pinakamagandang garden.

Patuloy umano ang pamimigay nila ng bigas lalo na sa mga barangay na nasa ilalim ng lockdown tulad sa Orani at ibang bayan.

Ang Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender Community man, ani Tonyboy, ay hindi nila kinakalimutan. Namigay umano sila ng social assistance na P1,000 sa bawat LGBT member at maging sa coordinators ng Kababaihan Para sa Kaunlaran at mga kasapi ng jeepney operators and drivers association sa unang distrito.

“Patuloy ang medical assistance program at wala itong tigil kahit panahon ng lockdown. Ang tanggapan ng kapatid ko ay tumatanggap na ng mga humihingi ng medical assistance, scholarship assistance at anumang assistance, sabi ng abogado.

Bilang kasangga, aniya, ng kapatid ay nagbibigay siya ng free legal consultation sa mga constituents. Bukas umano ang kanilang tahanan para sa medical assistance, free legal consultation, scholarship inquiries at mga humihingi ng job referral.  

Nakakatuwang umano nila ang Department of Social Welfare and Development, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Education at Department of Labor and Employment sa kanilang mga programa.

Sinabi ni Tonyboy na mapipilitan silang kumatok muli sa mga private sectors dahil mukhang tatagal pa ang problema sa Covid-19.

Pasaway

Sa tanong na kung bakit dumarami pa ang mga apektado ng Covid-19, sagot ni Tonyboy maraming pasaway eh, napakatagal nating nalockdown nang pinagaan ang quarantine parang masyadong naging ganado sila na makalaya.

“Gumala bigla at yung hirap magsuot ng face maskpero nakikita natin ngayon na talagang mahalaga ang pagsusuot nito at yong hygiene kailangan nating sundin at social distancing.”

Puna niya: Kailangan ng disiplina sa mga tao, hindi pwedeng iaasa lagi sa mga barangay officials. Hindi naman na kinakailangan ng pulis para ma-enforce yan, dapat may sarili tayong disiplina para gawin yan, tulong-tulong lang. Kung hindi natin gagawin yan talagang tataas ang kaso ng Covid-19.

“Ang panawagan ko ay magtiyaga na makipagtulungan sa pamahalaan, maging disiplinado, sundin ang mga patakaran para hindi na lumala ang sitwasyon dahil sadyang napakahirap yong pinsala na ginawa ng Covid-19 sa kalusugan ng bansa natin, sa mga tao sa Bataan, sa ekonomiya, hindi talaga matatapatan dahil kakaiba ang pandemya na ito, sabi ng abogado.

Sinabi ni Tonyboy na naniniwala siya sa pagsisikap ngpamahalaan at ng private sector man na makahanap ng solusyon sa virus. Ang hamon lang ay kung paano umano palalawigin o palalawakin ang effort na ito at sana raw madiskubre na ang vaccine laban sa Covid-19.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here