Riders club nag-alay ng dasal, bulaklak para sa yumaong kasamahan

    486
    0
    SHARE

    CLARK FREEPORT – Nagtipon-tipon noong linggo ng umaga ang may 163 motorcycle riders mula sa ibat-ibang lugar sa Maynila at Gitnang Luzon sa bahagi ng Subic-Clark-Tarlac expressway (SCTEX) upang mag-alay ng dasal at bulaklak sa isang kasamahan na namatay doon sa isang aksidente kamakailan.

    Sa pangunguna ni Prof. Randy David, nagsipagdasal at nag-alay ng bulaklak ang mga miyembro ng ibat-ibang riders club sa crash site ng biktimang si Ricky Sandoval na namatay doon may dalawang linggo na ang nakararaan.

    Isa si David na miyembro rin ng riders club sa nakiisa sa pakikidalamhati sa pamilya ni Sandoval.

    Ayon kay David, nalulungkot sila sa pagkawala ng isang kasamahan ngunit ito aniya ay bahagi ng mga peligro ng kanilang pagmomotorsiklo.

    Aniya, sa kabila ng masaklap na sinapit ni Sandoval sa aksidente sa motorsiklo ay magsisilbi na rin itong paalala sa kanila na mag-ingat pa sa kanilang pagmamaneho.

    Ani David, hindi pa malinaw kung ano talaga ang nangyaring iyon kay Sandoval sa kurbada ng SCTEX sa bahagi ng Clark sapagkat hindi naman mabilis magpatakbo ang biktima at ang gamit pa nito ay isang Honda Goldwing 800cc motorcycle na hindi naman isang pangarera.

    Ang naturang modelo aniya ng motorsiklo ay isang cruiser type na may kabigatan na makakayanan ang isang kurbada.

    May posibilidad din aniya na inatake sa puso si Sandoval habang sakay ng motorsiklo kayat ito ay tuluyang naaksidente.

    Ayon naman kay Capt. Jonathan Smith, isa sa nakasaksi ng aksidente, nasa paliparan siya ng Omni Aviation sa Clarkfield, Pampanga ng may marinig siyang ingay mula sa gulong ng motorsiklo.

    Nang tumingin siya sa SCTEX ay nakita niya ang isang motorsiklong humagis ng may 17 metro ang taas habang nagpapasirko-sirko sa ere.

    Nang tuluyan ng bumagsak ang motorsiklo ay wala naman aniya itong sakay kayat hinanap niya kung nasaan ang nagmamaneho noon.

    Ilang sandali pa ay nakita na niya na nagsidatingan ang iba pang mga nagmomotorsiklo na huminto sa crash site at inabutan ang nakalugmok na si Sandoval.

    Ayon sa impormasyon, tumama si Sandoval sa railings ng SCTEX at doon na rin binawian ng buhay.

    Sa kabila ng trahedya ay labis ang tuwa ng may bahay ni Sandoval na si Lileth dahil sa mga nakiramay sa kanila.

    Aniya, bagamat sa motorsiklo na binawian ng buhay ang kanyang asawa ay hindi niya mapipigilan ang riders club sa kanilang pagmomotorsiklo dahil sa kabila ng peligro ay naroon naman ang kasiyahan ng mga ito tulad ng kanyang yumaong asawa.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here