MARILAO, Bulacan – Patay ang isang motorcycle rider matapos barilin ng nakaalitan nitong driver na sakay ng isang kotse sa Barangay Abangan Norte dito.
Ang biktima ay kinilalang si Melchor De Borja, 36,t residente ng Blk. 2, Lot 48, Ismael Homes, Barangay Dakila sa Lungsod ng Malolos.
Ayon sa ulat ng Marilao PNP, tumakas ang hindi nakilalang salarin na lulan ng isang Honda City na may plate number ZNR 321.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Mario De Borja, tinatahak nila ang MacArthur Highway sa bahagi ng Barangay Abangan Norte nang biglang bumangga sa likod ng motorsiklo ng kanyang kapatid ang kotse.
Agad na bumaba ang kanyang kapatid upang tingnan ang nabangga ng salarin ngunit nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Habang nagtatalo ay biglang bumunot ng baril ang driver at agad na tinutok sa sintido ng kanyang kapatid at sabay kalabit ng gatilyo na nagresulta sa agarang pagkamatay ng biktima.
Nagulat na lamang siya sa pangyayari at naisip niyang tumakbo na lamang papalayo ngunit makailang ulit pa siyang pinaputukan ng salarin at sa kabutihang palad ay hindi siya tinamaan nito.
Sa beripikasyon ng kapulisan ay naibenta na ang sasakyan sa isang insurance company sa Makati City mula sa orihinal na may-ari nito.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan sa insidente.