SAMAL, Bataan – Patay ang rider samantalang durog naman ang kanyang motorsiklo matapos sumalubong at masagasaan ng 18-wheeler truck sa kahabaan ng Roman Superhighway sa bahagi ng Samal, Bataan Sabado ng tanghali.
Kinilala ni Adam Ragagio ng samahang React-Combat ang biktima na si Frederick Suba Lopicio ng Tucop, Dinalupihan, Bataan. Ang mga kasapi ng React ang agad na dumating sa pinangyarihan ng aksidente.
Patay na ang biktima at nakaipit sa ilalim ng trailer truck na kailangang magtulong pa ang dalawang crane upang maiangat ang trailer sa pagkakadagan sa bangkay.
“Tumalon sa sirang aspalto ang motorsiklo at sumalubong sa malaking trak na nasa kaliwa ng kalsada, ” ani Henrico Oronos ng React-Combat. Itinuro pa nito ang bahagi ng sirang asplato.
Ayon kay Raul Binas, driver ng trailer truck, binabaybay niya ang highway pabalik na sa Maynila nang tumilapon sa daan niya ang motorsiklo.
“Matulin ang takbo ng motorsiklo, nalubak at nawalan ng balance ang rider kaya tumilapon sa akin na kahit pilit akong umiwas ay wala na akong nagawa,” sabi ng driver na pansamantalang nakakulong sa Samal Municipal Jail.