Home Opinion Rice Tariffication Law,’ dagok sa magsasaka

Rice Tariffication Law,’ dagok sa magsasaka

902
0
SHARE

SA AKALA kaya ng pamahalaan
Ay makabubuti sa pangkalahatan,
Partikular sa ‘ting magsasaka riyan
Ang ‘tariffication law’ na ipinairal?

Pagkat bumaha man ng bigas na mura
Sa palengke, sa grocery at iba pa,
Pero sa panig ng mga magsasaka
Kabaligtaran ang dulot sa kanila.

Kasi nang dahil sa itinakdang batas
Na wala ng limitasyon sa pag-angkat,
Aning palay naman ng ‘farmers’ ang tiyak
Na wala nang tsansang ang presyo umusad.

Hirap na nga sila sa kasalukuyan
Sanhi ng kawalan ng pamahalaan
Ng suporta at ng ayuda kung minsan,
Ibayo tiyak ang kakaharapin niyan.

Bunsod nitong saan nila maibenta
Ang kanilang palay gaya r’yan ng sobra
Sa pang’oras-oras na pangsaing nila,
At para sa ibang pangangailangan pa.

Sabihin man nating sa lahat ng oras
Sagana tayo sa medyo murang bigas,
Pero sa panig ng mga mahihirap
Na magbubukid ay salot ang katumbas.

Dahilan na rin sa bagama’t bumaba
Ng kaunti ang presyo ng bigas sa bansa,
Ya’y matinding dagok sa kaawa-awa
Nating umaasa sa sakahang lupa.

Sapagkat sila ang lubhang apektado
Diyan sa lintik na ‘rice tariffication law,’
Na pinahintulutan ng ating gobyerno
Ng ni walang ‘public consultation’ ito.

Sa akala po ba natin di magsilbing
Patibong sa mga araw na darating
Itong mayrun naman tayo dito sa ‘tin,
Ya’y sa ibang bansa pa natin bibilhin?

Kung saan tayo rin ang sa bandang huli
Itong ika nga ay pihong magsisisi
Kapag itong ngayo’y ating nabibili
Na dati ay mura, wala nang mabili.

At kahit mayrun ay ginto ang halaga
Dahil sa ito ay monopolyo nila,
At ang atin namang mga magsasaka
Ang sakahan nila ay naibenta na.

Na hindi malayong ‘yan ang kahinatan
Sapagkat wala na silang matakbuhan
Upang mamuhay ng payapa’t tiwasay,
Na tulad ng dati sa sinasaka niyan.

Ito’y di malayong mangyari sa atin
Bunsod na rin nitong ang marami nating
Ka-Filipino ay higit ang pagtingin
Sa ‘imported’ kaysa sa sariling atin.

Habang may panahon pa para masagip
Ang kalagayan ng mga magbubukid,
Suportahan natin silang maibalik
Ang interes nila sa sakahang bukid

Sa pamamagitan r’yan ng tayo mismo
Ang tumangkilik sa kanilang produkto,
Upang ang akala’y di ika-asenso
Ay mali, bagkus sa ginhawa patungo!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here