Home Headlines Rice Processing System itatayo sa lungsod ng Cabanatuan

Rice Processing System itatayo sa lungsod ng Cabanatuan

398
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Ipatatayo sa lungsod ng Cabanatuan ang Rice Processing System (RPS) III facility.

Ito ay proyekto sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program na pinangangasiwaan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech).

Ayon kay PHilMech Interim Director for Operations Joel Dator, ang RPS III ay state-of-the-art facility na may layuning mabawasan ang mga nasasayang na aning palay at mas mapataas ang kalidad ng mga ginigiling na bigas.

Ang itatayong RPS III facility sa lungsod ng Cabanatuan ay maglalaman ng tatlong yunit ng 12-ton capacity recirculating dryers at isang yunit ng multi-pass rice mill na kayang magproseso ng apat hanggang limang toneladang palay kada oras.

Ang mga nabanggit na makinarya ay nagkakahalaga ng P72 milyon na libreng ipagkakaloob ng PHilMech sa pamahalaang lokal na sila namang magpapagawa ng warehouse at mangangasiwa sa operasyon ng nasabing pasilidad.

Pinangunahan mismo nina Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) Director IV Dionisio Alvindia (gitna), PHilMech Interim Director for Operations Joel Dator (kaliwa), at Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara (kanan) ang pagpirma sa kasunduan hinggil sa itatayong Rice Processing System III facility sa siyudad. (DA PHilMech)

Pahayag ni Dator, sa oras na matapos ang proyekto ay inaasahang makapaghahatid ito ng  serbisyo sa mga magsasaka partikular sa pagpapatuyo at pagproseso ng palay para maging bigas.

Kaniyang garantiya na mas bagong modelo ang mga makinarya ng RPS III kung ikukumpara sa mga teknolohiya na ginagamit ng mga private millers sa bansa.

Prayoridad aniya ng PHilMech ang pagpili ng mga dekalidad na makinaryang tunay na mapakikinabangan at matagal na makatutulong sa mga magsasaka, kooperatiba at lokal na pamahalaan.

Bukod sa pagkakaloob ng mga kagamitan ay nagsasagawa rin ang PHilMech ng pagtuturo hinggil sa wastong pangangasiwa ng pasilidad bago ang opisyal na turn-over ng proyekto.

Sa kabila nito ay ipinahayag ni Dator na makaaasa ang pamahalaang lokal sa patuloy na suporta at tulong ng ahensiya para sa mahusay na operasyon ng pasilidad.

Kaniya ring sinabi na hindi lamang postharvest facility ang ipinagkakaloob ng ahensiya kundi kasama rin ang mga production technology.

Ang kaniyang paalala sa mga magsasaka, kooperatiba at mga lokal na pamahalaan ay makipag-ugnayan sa kagawaran upang mabenipisyuhan sa mga programa at serbisyong ipinagkakaloob ng PHilMech partikular ng RCEF Mechanization Program na ngayon ay nasa ika-limang taon na ng implementasyon.

Sa tala ng ahensya ay umabot na sa 23 yunit ng iba’t ibang kagamitang pansaka na nagkakahalaga ng P33.7 milyon ang ipinagkaloob sa mga magsasaka at kooperatiba sa siyudad sa ilalim ng mga pinondohang proyekto taong 2019 hanggang 2021. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here