DI PA MAN sumapit ang takdang araw na
marapat simulan ang pangangampanya
nitong maglalaban sa local arena
ng ibang klase ng pamumulitika
Hayan, halos lahat na ng tumatakbo
mula sa pinaka-mataas na puesto
pababa, umpisa pa lang ng Enero
may nakasabit ng mga posters ito.
Kung saan bagaman ito ay maaring
maituturing nating ‘electioneering,’
pero ang ganitong ‘form of simple cheating’
okey lang sa ibang kababayan natin.
Partikular sa ating COMELEC ngayon
na hayan nga’t nasa tungki na ng ilong
ng mga ito ang ‘serious violation’
ay di pa rin nila makuhang maamoy?
O nang dahil sa ang reglamento hinggil
sa batas halalan ay kulang ang ngipin
kung kaya ang mga ‘commissioners’ natin
ang ganyang paglabag di nila masupil?
Okey ba ang gaya riyan ng estilo
na komo wala namang ‘Vote for’ – di ito
masasabing ‘campaign materials’ ni Tiago
gayong may posters siya halos bawat kanto?
Ang ‘FORmer MAYOR’ at ang kahalintulad
na ‘true public serVICE ang pagkakasulat,
kasunod ng ‘names’ ng sinuman di sapat
na prueba, na ito ay ‘campaign materials’
At kahit saan mang ‘bar of justice’ dalhin
ay hindi maari nating palitawin
na isang uri yan ng ‘electioneering’
pagkat di malinaw ang ibig tukuyin.
Kasi, nang dahil sa ito ay di pasok
sa ‘Comelec ruling’ na dapat masunod,
‘revision on rulings’ nilang luma’t bulok
ang sa puntong ito ang dapat isusog.
Ang pinaka- ‘the best’ na marapat gawin
ng Comelec… ipagbawal ang di puedeng
‘in advance’ magpa-imprenta ng gagamitin
ang sa susunod ay kakandidato rin.
Nang sa gayon itong ‘premature expenses’
ng nakararami medyo ma-‘minimize’
kapagka kung kailan lang ang ‘starting date
or a few days before the campaign takes effect’.
Saka lamang sila magpa-imprenta riyan
ng mga posters na kanilang kailangan,
at di tulad nitong mula anim na buwan
bago ang eleksyon gumagasta na iyan.
Kung kaya dulot ng ganitong ‘premature’
na pag-gasta nitong ibang kandidatong
di lang libu-libo kundi ‘multi-millions
of pesos’ na itong sinunog – ang tanong:
Sa anong paraan nila mababawi
ang ginasta – manalo man yan sakali?
Kabayan, huwag nawang matulad sa dati
na kaban ng bayan ang ilimas uli.
Pero dito sa’tin malayong mangyari
ang ganyan sapagkat ang nakararami
sa’ting lingkod bayan ay kapuri-puri
at tunay naman ding tapat kung magsilbi!