Home Headlines Revilla: Pagresolba sa baha hindi dapat patse-patse

Revilla: Pagresolba sa baha hindi dapat patse-patse

344
0
SHARE
Si Sen. Bong Revilla kasama ang ilang lokal na opisyal ng Calumpit sa ginawang pamamahagi ng relief goods sa mga nasalanta ng nakaraang pagbaha. Kuha ni Rommel Ramos

CALUMPIT, Bulacan — Aminado si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. na hindi kakayanin nang biglaan ang pagresolba sa mga pagbaha sa Bulacan, Kamaynilaan at ilan pang bahagi ng Luzon pero hindi ito dapat na patse-patse kaya’t hinahanap niya sa mga departamento ng gobyerno ang master plan para dito.

Ito ang inihayag ni Revilla sa pamamahagi nito ng mga relief goods nitong Aug. 9 sa mga nasalanta ng baha sa mga bayan ng Calumpit, Plaridel, Hagonoy, Paombong, at Lungsod ng Malolos.

Ayon sa senador, malaki ang problema sa baha at kakailanganin ang malaking pondo para dito kaya’t kung hindi man agad na mareresolba ay dapat na makagawa ng mga paraan para ito man lang ay mabawasan.

Matatandaan na sa pagdinig kamakailan sa Senado ay lumabas na walang integrated national master plan para sa flood management ang mga ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Public Works and Highways na nagsabing ang 18 major river basins sa bansa ay may kanya-kanyang master plan at kasalukuyan pang ina-update.

Sa nasabing pagdinig ay ipinakita din ni Revilla ang mga footages ng ibat-ibang rehiyon sa Luzon na malubhang naapektuhan ng mga pagbaha na epekto ng nakalipas na Bagyong Carina na nagpalakas ng habagat.

Paliwanag ni Revilla na kung walang integrated national master plan para sa mga pagbaha ay maipapasa lang sa ibang lugar ang problema sa baha dahil sa mga patse-patse na proyekto na hindi nakakatugon dito.

Aniya, kailangan na mabuo at maipatupad ang master plan at habang wala pa ito ay dapat na may mga mailatag na contingency plans para mabawasan ang mga pagbaha sa Bulacan at mga apektadong lugar sa Luzon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here