LUNGSOD NG CABANATUAN — Pinangunahan ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang pamamahagi ng may P22-milyon na halaga ng ayuda sa dalawang lungsod at tatlong bayan ng Nueva Ecija nitong Biyernes.
Sa kabuuan ay umaabot sa 11,000 na indibidwal ang nabiyayaan ng tig-P2,000 na Aid to Indigents in Crisis Situations (AICS) sa sunod-sunod na aktibidad sa lungsod na ito, Gapan City, San Isidro, Jaen, at San Antonio.
Unang tinungo ni Revilla ang lungsod na ito kung saan siya ay sinalubong at sinamahan sa aktibidad nina Mayor Myca Elizabeth Vergara, Vice Mayor Julius Cesar Vergara, at iba pang opisyal.
Umabot sa 2,500 ang benepisyaryo sa lungsod na ito. Nasa 2,500 din ang nakinabang sa Gapan City at tig-2,000 naman ang sa San Isidro, Jaen at San Antonio.
Ayon kay VM Vergara, personal ang relasyon ni Revilla sa kanya at mga mamamayan ng Cabanatuan kaya lubos at sinsero ang kanilang pagtutulungan para sa mga residente.
Kaagad aniyang dumarating ang senador at tulong nito sa panahon ng kalamidad.
Samantala, bukod sa mga social services katulad ng karagdagang benepisyo sa senior citizens at dagdag allowance sa mga guro ay tiniyak ni Revilla na tinututukan ng kanyang komite sa Senado ang programa sa flood control ng gobyerno.
Sa bayan ng Jaen, inihayag nina Mayor Sylvia Austria at Vice Mayor Atty. Sylvester Austria na nasa 75% na ngayon ang konstruksiyon ng P25-milyon na infrastructure project ni Revilla sa kanilang bayan.
Nangako naman ang senador na maglalaan pa siya ng pondo para sa 2,500 na AICS beneficiary sa naturang bayan.
Pinasalamatan din ni Revilla.ang mga lokal na social welfare and development office sa pamamahagi ng AICS.