Nitong Miyerkules ay siniguro na ni Pangulong Aquino na kakayanin ng istruktura ng Angat Dam ang posibleng 7.2 magnitude na lindol kapag natapos na ang rehabilitasyon nito, makaraang pangunahan niya ang inspeksyon ng Angat Dam and Dyke Strengthening Project sa bayang ito.
Ipinahayag ng Pangulo na ang pamahalaan ay maglalaan ng P1.08 bilyon para sa rehabilitasyon nito at P261 milyon para sa flood forecasting and warning system ng dam.
Aniya, ipatutupad din ang flood control protection na nagkakahalaga ng P292 milyon.
Inisa-isa rin ng Pangulo ang mga benepisyo at serbisyo na naibibigay ng Angat Dam sa mga Pilipino kung kaya marapat lamang na umpisahan na ang rehabilitasyon nito.
Pinuri rin ng Pangulo ang pinagsamang pagsisikap ng K-Water, Angat Hydropower Corporation at ng San Miguel Corp., na bagong may-ari at operator ng dam, na maisakatuparan ang rehabilitasyon sa pakikipagtulungan na rin ng ilang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Department of Energy, National Power Corp., Metropolitan Waterworks and Sewerage System at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Ayon naman kay K-Water President- CEO Choi Gyewoon, ang planong pagpapatibay ng dam ay base sa dam assessment study na isinagawa ng Poyry Energy Ltd., na nakatutok sa pag-aaral sa pagbaha at istruktural na kaligtasan nito.
Ang plano ay naglalayon na itaas ang impervious core ng main dam ng 1.2 meters na magpapatatag sa kabuuang istruktura ng Angat Dam.
Lalawakan rin ang pinaka base ng dam at ang downstream slope at dike nito gamit ang mga bato na natira mula sa orihinal na konstruksyon ng Angat Dam na tataas ng 1:1.55 mula sa 1:1.40 na proporsyon nito.
Ang Angat Dam ang nagsusuplay ng 97 porsyento ng tubig sa mga kabahayan sa Metro Manila at nagbibigay ng irigasyon sa halos 25,000 ektaryang bukirin sa Bulacan at Pampanga.