SUBIC, Zambales — Dead-on-arrival sa pagamutan ang isang retiradong miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) makaraan itong mabundol ng pampasaberong jeep sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Baraca- Camachile sa bayang ito.
Kinilala ni Chief Inspector Oriano Mina, hepe ng Subic Police Station, ang biktimang si Sonny Manuel, 57, retiradong bumbero at residente ng Block 77-A, Lot 3, Purok 6, Barangay Balaybay, Castillejos, Zambales.
Sa imbestigasyon ng Subic PNP, sakay ng single motorcycle ang biktima na may plakang 6366 RA nang mag-overtake ito sa pampasaherong jeep na may plakang CBF-657 na minamaneho ni Pedro Figuerrez, 56, ng Purok 2, Barangay Consuelo Norte, San Marcelino, Zambales.
Ayon sa ulat nawalan ng kontrol ang biktima sa pag-overtake nito sa jeep hanggang sa matumba at masagasaan ang ulo nito. Kaagad na isinugod ng mga nagrespondeng mga tauhan ng Subic Public Order and Safety Office (SPOSO) ang biktima sa Our Lady of Lourdes International Hospital sa Barangay Barretto, Olongapo, subalit ideneklara itong dead-on-arrival. Kaagad namang sumuko sa pulisya si Figuerres matapos ang aksidente.