Respeto

    1172
    0
    SHARE

    Nitong nakaraang linggo, ika-25 ng Oktubre, ako’y dumalaw sa Baao, Camarines Norte bilang guest speaker sa Indigenous Peoples’ (IP) Rights Day. Ang okasyon – bilang kauna-unahang Katribo Ka Festival — ay ginanap sa Municipal Hall ng Baao, at may mga dumalong mga 300 na IPs.

    Ang tema ng okasyon ay Karapatan, Kapayapaan, at Kasarinlan ng Katutubong Kababaihang Pilipino.

    Ito’y naganap sa pakikipagtulungan sa Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) sa pamumuno ni Isagani Serrano, PRRM president. Kasama din natin sa Baao si Congressman Teddy Baguilat, House Committee Chairman on National Cultural Communities.

    Nagpapasalamat tayo sa PRRM, gayon din sa Baao municipal government, sa National Commission for Indigenous Peoples, sa pagbibigay pugay sa mga IPs at pagpapatining ng pagpapahalaga sa kanila bilang mga mamamayang Pilipino.

    Mga kabalen, ang mga katutubo ay ating pinahahalagahan dahil sila’y ating mga ninuno at kalahi. Kaugnay nito, sila’y may tradisyon at kultura na nagsasalamin sa ating pinagmulan.

    Tulad ng pananalig sa Lumikha at ang pag-iingat sa kapaligiran na kumakanlong sa ating lahat. Ito ang nag-uugnay sa atin ngayon – kung paano pagyayamanin ang mga biyaya ng Lumikha, para na rin sa ating kapakanan.

    Sa puntong ito naa-alala ko ang tinuro ng aking Lolo, si Senador Lorenzo M. Tanada, na nagsabing, ang kailangan nating ibigay sa mga kapatid na katutubo, ay ang ating respeto.

    Ang pag-respeto sa mga katutubo ay maipapakita natin sa pagkilala kung ano ang mahalaga sa kanila.

    Tulad ng mga tinatawag na ancestral lands kung saan sila’y namumuhay magpahanggang sa kasalukuyan, sa kabila ng modernizasyong nagpataas ng antas ng pamumuhay.

    Kagaya halimbawa ng maling paraan ng pagmimina, kung saan maging ang mga ancestral lands ay napipinsala. Ang mga pangyayaring ito’y walang pinagkaiba sa pagtataboy sa mga tao sa lupang sinilangan.

    Ito’y isang uri ng pananakop at sa paraang ito’y hindi tayo sumasang-ayon.

    Kung ang bansa ay magpatuloy ng pagmimina dapat ay sa paraan na hindi makapipinsala sa kagubatan at magbibigay respeto sa mga katutubo at sa kanilang ancestral domain.

    Kaya’t ang habilin ko sa mga IPs: Ipagtanggol ang inyong karapatan laban sa maling pagmimina, ang inyong papel para sa ika-uunlad ng kanayunan ay mahalaga at hindi dapat kaligtaan.

    Ang sinabi ni Congressman Baguilat ay umaayon dito: “Mahalaga ang papel ng mga IPs sa paglalatag ng mga solusyon sa kampanya sa pangangalaga sa kapaligiran at maging sa mga prosesong pangkapayapaan. Ang malungkot lamang ay tila hindi gaanong napapansin ng gobyerno.”

    Gayun din ang ipinarating na mensahe ng pinuno ng mga kababaihang IPs doon, si Manay Elsa Vicente, pangulo ng Katribo Ka:

    “Mahalaga ang KATRIBO KA Festival. Lalo na sa aming mga Agta Tabangnon. Umaasa kami na mauunawaan ang aming kultura at tradisyon, at malinawan ang gobyerno at matulungan kami sa aming mga problema, na dala ng pagmimina, quarrying, at pananakop sa aming ancestral domain.

    Simple lamang ang hiling ng ating mga katutubong kapatid ayon sa pahayag si Manay Elsa – ang mabigyan ng respeto.

    Ang respeto ay bahagi ng kulturang Pilipino. Ito ang nagpapatibay ng ugnayan nating mga Pilipino, anuman ang ating dayalekto, kinagisnang tradisyon, relihiyon, o antas ng pamumuhay.

    Ang respeto ang siya ring sandigan ng kapayapaan at pag-unawa sa kalagayan ng mga mamamayan sa iba’t-ibang mga tribo, mga komunidad, mga barangay, mga bayan, mga lungsod.

    Ang respeto ang bukal ng pagpapahalaga sa mga katutubo at pagkalinga ng kapaligiran.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here