Sa Morning Breeze Beach Resort, isa sa malalaking resorts na nakahanay sa Barangay Pag-asa, ay walang customer nitong Sabado at Linggo, mga araw na karaniwang dagsa ang mga bisita.
“Walang tao dahil bawal ang maligo sapagka’t malalaki mga alon,” sabi ni Connie Domelita, isa sa mga tauhan sa Morning Breeze. Si Domelita at mga kasamahan ay masayang nagkukuwentuhan habang ang ilan ay gumagawa ng walis tingting dahil walang customer.
Sa ilang resorts tulad sa Fajardo’s ay may mangilan- ngilang mga customer ngunit tulad ng Morning Breeze ay maraming cottages din ang bakante. May ilang naliligo na hindi alintana ang naglalakihang alon.
Ang mga mangingisda naman ay abala sa pag-aayos ng kanilang mga lambat bilangpaghahanda kung sakaling lumiit na mga alon.
Sinabi ni Unyo Sahagun na limang araw na silang hindi makapalaot dahil sa naglalakihang alon. “Hintay muna hanggang sa lumiit ang mga alon,” sabi ng mangingisda.
Halos zero visibility ang kalsada papuntang Bagac nang umulan ng malakas bandang alas-12 ng tanghali.