ABUCAY, Bataan: Tamang-tama, ika nga, na sagot sa mainit na panahon ang isang resort sa tabi ng MacArthur Highway sa Barangay Capitangan dito na dinarayo ng maraming tao.
Hindi lang maganda, madaling puntahan ang Villa Amanda Resort and Restaurant kundi komportable pa at nakakaakit sa mga bata at matatanda ito.
Ang mga swimming pool nito, pambata man o pang matanda ay may mga atip o bubong na pananggalang sa matalim na sikat ng araw kaya presko ang paglangoy kahit sa pinakamainit na
bahagi ng araw.
Tuwang-tuwa ang mga naliligo lalo na ang mga bata sa pagdampi sa kanilang katawan ng tila mga shower na bumubuga mula sa gilid ng mga bubong at sa tulay na humahati sa malaking
swimming pool.
May mga slides din kung saan masayang nagpapadausdos ang mga naliligo at lumalangoy. Ang mga kabataan lalo na ay hindi pinaliligtas ang pagbisita sa mini-zoo sa likurang bahagi ng resort kung saan may malaking sawa, Burmese phyton, buwaya at mga ibon sa maliit na aviary.
Masayang nagkukuwentuhan at nagkakainan ang mga nakakatanda sa naghanay na open cottages sa tabi ng mga swimming pool.
May tila nakabantay na mga life-size avengers sa tabi ng swimming pool ng mga bata.
Kung wala namang dalang pagkain ay may magandaa at komportableng restaurant ang resort kung saan puedeng magpa-order ng iba’t ibang masarap na pagkain tulad ng tilapiyang inihaw, steamed at ang hinahanap-hanap na pesa.
Sariwang-sariwa ang isdang tilapiya dahil sa mismong pond ng resort inaalagaan at hinuhuli ito. (30)