Dahil sa hearing in aid of legislation
Ay biglang nabunyag pekeng resolusyon
Lumitaw huwad ang re-classification
Na diumano ay dumaan sa sesyon
Dati ang posisyon ay magkakaiba
May mga sang-ayon at may kumokontra
Bandang huli halos nagkakatugma na
Ng mga salaysay ng tanungin sila
SB secretary nanindigan pa rin
Nagbase sa kanyang minutes of the meeting
Salaysay niya kung pakalilimin
May katotohanan din kung tutuusin
Sapagkat kung ano ang pinag-usapan
Ang naisusulat sa kanyang talaan
Subalit madali ring pabulaanan
Lalo na kung mayro’ng mga tatamaan
Maari ding kaya iginigiit niya
Na ang resolution daw ay magkaiba
Sapagkat dalawa lang ang nakapirma
Siya at ang meyor sa unang pahina
Dati ang posisyon nila ay matatag
Re-classification ay hindi raw huwad
May resolution bang numero’y parehas?
Kahit magkaiba ang mga pamagat?
Ibig bang sabihin mayrong pandaraya?
Na noon pa man ay batid na ng madla
Mga mamamayan wala lang magawa
Kahit alam nilang yun ay hindi tama
Dito nagsimulang magka fourteen heroes
Na sumalungat sa gawaing baluktot
Magpahanggang ngayo’y nakikipagtuos
Laban sa talamak na pangungurakot
Salamat at may House of Representative
Na sa nireklamo ang siyang dumidinig
Sa ganyang uri ng mga paglilitis
Ay nasasaksihan ng buong daigdig
Ang katotohanan ay biglang nalantad
Isa sa dalawang resolusyo’y huwad
May nangumpisal at dagling ibinunyag
Mga anomalya sa conversion of land
Tila baga ito ang kanyang paraan
Para sa sarili nitong kaligtasan
Samantalang noong mga nakaran
Ay naglingkod na ring konsehal ng bayan
Bakit hindi siya sumalungat noon?
Sa mga serye ng re-classification?
Bakit nag-iba ang pananaw niya ngayon
Kung kelan ubos na lupa ng San Simon
Re-classification ay hindi na bago
Kahit noon pa man umiral na ito
Ang lupa sa bayang kinalakihan ko
Halos pag-aari na ng mga dayo
Sana ang lahat ng may pagkakasala
Sa aming bayan ay maparusahan na
Dapat sa kulungan sila ay magdusa
Ng sa gayo’y hindi na pamarisan pa