Ngunit sa kabila ng pagiging maliit ng kanilang bilang, hindi sila natatakot, sa halip ay nagdeklara pa ng isang digmaan laban sa kalamidad na hatid ng global warming, isang problemang pandaigdigan.
Sila ay ang mga kasapi ng Bulacan Rescue 117, isang premyadong grupo, at mga kasapi ng Army Reservist sa lalawigan na nagsanib puwersa kamakailan upang harapin ang hamong hatid ng mga kalamidad sa lalawigan.
Sa kanilang pagsasanib lakas, tiniyak nila na handa nilang harapin ang anumang kalamidad tulad ng pagbaha, lidol at iba pa na nagbabanta sa kanilang sarili, pamilya at mga kababayan.
“Ang mga laang kawal po at ang Bulacan Rescue 117 ay nagdekalara ng giyera sa global warming. Pinaghahandaan namin ito,” ani Tenyente Nelson Pangilinan, tagapayo ng Bulacan Rescue 117 at tagapag-organisa ng Army Reservists sa unang distrito ng lalawigan.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na ang mga kasapi ng laang kawal at Rescue117 sa lalawigan ay dumadalo sa mga seminar upang higit na maunawaan ang kung ano ang kanilang magagawa laban sa global warming partikular na sa pangangasiwa sa basura.
Iginiit pa niya na ang mga kalamidad na hatid ng global warming ay maaaring manalasa anumang oras at ito ay maaaring magdulot ng kapahamakan sa maraming mamamayan katulad ng pagbahang hatid ng bagyong Ondoy noong nakaraang taon.
Gayunpaman, ang pinsalang hatid ng mga kalamidad ay maaaring mapaliit o mabawasan sa pamamagitan ng kahandaan ng bawat isa.
Sinabi niya na mula ng mabuo ang disaster component ng Rescue 117 ay patuloy ang ginawa nilang mga pagsasanay, upang sa gayon ay mapataas ang antas ng kakayahan ng bawat kasapi na tumutugon sa mga sakuna at pagliligtas ng buhay.
Inayunan naman ito ni Ariston Jumaquio, ang pangulo ng Rescue 117.
Ayon kay Jumaquio, maituturing na bayani ang mga kasapi ng Rescue 117 dahil nagsasakripisyo ang mga ito at itinataya ang sariling kaligtasan para makasagip ng buhay ng iba.
“Maituturing na bayani ang mga rescuer na iyan dahil nagbigay sila ng effort na ang katumbas ay buhay na rin,” ani Jumaquio at iginiit pa na magiging pagdodonasyon ng dugo na pangdugtong ng buhay sa ibang tao ay ginagawa ng mga kasapi nila.
Inayunan din ito ni Dr. Billy Concepcio, ang disaster coordinator ng Rescue 117 na isa ring Army reservist.
“Mahirap maging isang rescuer, pero kung iisipin mo ay para sa kapakanan ng ibang tao, magagawa mo ito bilang volunteer na makatulong sa kapwa, na walang hinahangad na kapalit o suweldo o ano paman. Ang motto ng rescue ay wala ng hihigit pa sa sa pagbibigay ng iyong buhay sa kapakanan ng iyong kapwa,” ani Concepcion.
Sinabi din ni Concepcion na para sa mga kasapi ng anumang rescue group tulad ng Rescue 117, ang makapagligtas ng kapwa ang nagsisilbing reward o pabuya sa kanilang mga sakripisyo.
Ang Bulacvan Rescue 117 ay itinatag sa bayan ng Paombong Bulacan noong 2003 ngunit sa paglipas ng mga taon, ito ay umunlad at dumami ang mga kasapi.
Kasabay ng pag-unlad ng Rescue 117 ay ang pagkakamit nito ng mga pagkilala katulad ng Kalasag award na ipinagkaloob ng Malakanyang sa kanila sa nagdaang dalawang taon.
Bukod dito, nagtayo na rin ng isang kooperatiba ang Bulacan Rescue 117 para sa kanilang mga kasapi at ang kaunting kinikita ng kooperatiba ay ginagamit ng grupo sa kanilang mga operasyon sa pagliligtas ng buhay.
Bago naman matapos ang taong ito, inaasahang mabubuksan na ang grocery ng Bulacan Rescue 117 Multipurpose Cooperative sa bayan ng Paombong.