MALOLOS CITY—Kinondena ni Obispo Francisco Oliveros ng Malolos Diocese ang isinusulong sa mababang kapulungan na reproductive health bill.
Sa homiliya ni Oliveros noong Biyernes kaugnay ng paggunita ng ika-430 taong pagkakatatag ng Bulacan ay pinahayag niyang mahigpit na tinututulan ng Simbahang Katoliko ang batas na sinusulong sa Kongreso sa makabagong paraan ng pagkontrol ng pagpapamilya.
Ayon kay Oliveros, hindi dapat pigilin ng batas ng tao ang batas ng Diyos gayong ang babae ay nilikha umano ng Maykapal upang maging ganap ang pagiging isang ina tulad ni Birheng Maria.
Una rito, nagpahayag din ng pagbabago ng pananaw si Kinatawan Lorna Silverio ng Bulacan na dati ay isa sa nagsusulong ng reproductive health bill matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Arroyo noong nakaraang buwan.
Ani Silverio: "I am for informed choice."
Ito ay kakaiba sa kanyang pananaw sa nasabing panukalang batas noong mga nakaraang taon na kanyang isinusulong dahil sa patuloy na paglobo ng populasyon ng bansa.
Ang pagbabago ng posisyon ni Silverio ay masasalamin sa pagbabago ng posisyon ni Pangulong Arroyo hinggil sa populasyon na kanyang isiniwalat sa kanyang katatapos na SONA.
Samantala, ang Bulacan pa rin ang itinuturing na pinakamalaking probinsya sa bansa kung populasyon ang pag-uusapan.
Batay sa tala na naipon ng Punto!, ang populasyon ng Bulacan ay umaabot na sa mahigit na 3-milyon, kumpara sa 2.3 milyon na naitala noong 2000 census.
Ayon pa sa mga sources ng Punto, ang growth grate ng Bulacan ay umaabot sa 4.93 percent na higit na mas mataas sa growth rate ng Central Luzon at ng buong bansa.