LUNGSOD NG MEYCAUAYAN (PIA) — Nirepaso ng Provincial Micro, Small and Medium Enterprise Development Council ng Bulacan ang mga usapin at hamon na kinakaharap ng Jewelry Industry sa lungsod ng Meycauayan.
Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Provincial Director Edna Dizon, layunin nito na makita at mapag-aralan ang kinakailangang reporma tungo sa muling pagsigla nito.
Makakatulong din aniya ito sa ibinabalangkas na Wearables and Homestyle Roadmap 2023-2028.
Sinabi naman ni Cecilia Ramos, chairperson ng Meycauayan Jewelry Industry Association o MJIA, malaki na ang inihina ng industriya dahil nag-iba na ang interes ng mga kabataan, magulang at maging ng karaniwang mga indibidwal sa uri ng mga binibiling pangregalo.
Dahil dito, ang dating 125 na mag-aalahas sa Meycauayan ay nasa 99 na lamang ngayon.
Bumaba na rin sa anim na libo na lamang ang kanilang mga manggagawa mula sa dating 10 libo sa kasagsagan ng kasikatan at kalakasan ng Jewelry Industry ng lungsod.
Kaya naman nangako si Department of Science and Technology o DOST Provincial Director Angelita Parungao na bubuo ng makinarya ang ahensiya para ipagkaloob sa industriya upang mapabuti at lalong maiangat ang antas ng paglikha ng alahas.
Ito ang makinaryang susuri at magtitiyak na lehitimo ang isang partikular na metal o bato. Magiging kaakibat nito ang pagkakaloob ng panibagong kasanayan.
Kaakibat nito ang paghingi ng gabay mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas hinggil sa angkop na pagsuri ng tunay na ginto.
Isinusulong naman ng DTI na mailipat sa istratehiyang lugar ang Philippine Jewelry Center mula sa ngayo’y nasa isang tagong lugar sa Meycauayan.
Taong 1997 nang unang nagkaloob ng halagang 10 milyong piso ang DOST sa nasabing sektor upang maitayo ang nasabing jewelry center sa Meycauayan.
Ngunit makalipas ng 25 taon, napaso na ang usufruct agreement kaugnay ng lupang pinagtatayuan nito.
Kaya’t ipinanukala ni Dizon na mailipat ito sa Polytechnic College of the City of Meycauayan na malapit sa kapwa mamimili, suplayer at maging sa mga manggagawa na may interes sa paggawa ng alahas.
Pinapaasikaso na rin ng DTI sa MJIA na ayusin at kumpletuhin ang mga dokumentong may kaugnayan sa kanilang pagnenegosyo ng alahas.
Hinikayat din ni Dizon ang MJIA na agapayan ang mga gumagawa ng alahas na nasa ‘underground economy’ na mairehistro sa Barangay Micro Business Enterprises.
Ito’y upang makatamo sila ng tax exemption at iba pang tulong sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Department of Labor and Employment o DOLE Provincial Director May Lynn Gozun ang mga mag-aalahas na sundin ang ipinaiiral na minimum wage sa bisa ng mga inilabas na wage orders ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board.
Handa rin aniyang magkaloob ng training ang DOLE sa mga manggagawa ng jewelry industry sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority na ngayo’y nasa ilalim na ng ahensiya.
Tugon ito sa kumakaunting bilang ng mga jewelry workers, bench jewelers, gemologist, stone setters at iba pang propesyon na may kinalaman sa industriyang ito na hindi hihigit sa 10 bilyong piso ang halaga.
Samantala, nangako naman ang Regional Inclusive Innovation Center ng Bulacan State University na aagapay sa mga nasa jewelry industry ng Meycauayan sa pag-aasikaso at pag-aayos ng mga papeles upang makatamo ng mga ayuda, proyekto at programa ng mga ahensya ng pamahalaan. (CLJD/SFV-PIA 3)