Sinalubong ng mga deboto ang imahen ng Itim na Nazareno sa paglibot nito sa Balanga City. Kuha ni Ernie Esconde
LUNGSOD NG BALANGA — Isinakay sa isang open van ang replika ng Imahen ng Itim na Poong Nazareno at inilibot sa mga bayan ng Balanga City, Pilar, at Abucay sa Bataan Sabado ng hapon.
Napapalamutian ang imahen ng mga bulaklak. Paglabas nito sa harap ng Saint Joseph Cathedral ay naririnig ang awiting “Nuestro Padre Jesus Nazareno” habang naghahagis sa nakaabang na mga deboto ng mga tuwalyita na ipinahid sa imahen.
May ilang deboto naman ang namili ng mga panyo at ipinapupunas ito sa imahen.
Sinabi ni Jimmy Mangalindan, caretaker ng Imahen, nabendisyunan na ang mga tuwalyita sa isang Banal na Misa na ginanap Sabado ng umaga.
Ang pagdiriwang umano ngayon ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay gagawin sa pamamagitan ng isang motorcade at hindi tulad ng nakagawian na may prusisyon upang makaiwas sa coronavirus disease.
“Nawa ang aming panalangin ay mailibot ang Itim na Nazareno sa Balanga City at iba pang lugar at mabasbasan na din ang lahat at maipanalangin na mawala na ang virus,” sabi ni Mangalindan.
Hindi lang, aniya, sa Balanga City ililibot ang imahen kundi pati na sa katabing mga bayan ng Abucay at Pilar dahil sa kahilingan ng marami na maidaan ito sa kanilang lugar.
“Mas maraming maiikutan ngayong mga barangay para ma-bless lalo na ang mga humihiling na maidaan sa ospital,” sabi ni Mangalindan.
May mga rosary at panyong ibinebenta si Jesusa Mina sa harap ng katedral na ang panyo raw ay P100 ang tatlong piraso. “Ayos naman ang benta pero hindi kagaya noong mga nakaraan dahil may pandemic ngayon kaya tiis-tiis muna,” sabi ng tindera.
May mga debotong nagsabi na taon-taon ay namamanata sila sa Quiapo ngunit dahil sa pandemic ay hindi sila nakapunta ngayon.
“Ang aking panalangin ay ang kalakasan lalo na at ako ay may edad na. Lumakas pa ang aking katawan para makasama ko pa ang aking pamilya at mga apo ng matagal,” sabi ni Ricardo Rocha, 65.