‘Registration of voters’ sa Comelec, patuloy dapat

    474
    0
    SHARE
    At di tulad nitong parang ‘seasonal’ lang
    Bukas sa publiko ang Comelec na yan
    Gayong sila’y pinasasahod din naman
    Ng gobyerno, gaya ng ibang tanggapan.

    Na araw-araw ay bukas sa publiko,
    (Liban lang syempre kung Sabado at Linggo
    o pista opisyal – tiyak na sarado;)
    Upang harapin ang kanilang trabaho.

    Anong silbi nitong ating Republic Act
    No. 8189 – na ang nasasaad
    Sa Section 8, na ya’y tuloy-tuloy dapat;
    At “daily during regular office hours?”

    Kung saan base sa batas na naturan
    Ang di pagtanggap ay magsisimula lang
    Sa “120 days” bago ang regular
    Na eleksyon; (mapa’ lokal o nasyonal)

    At “90 days” naman bago ang ispesyal
    Na halalan, kaya kung ating titingnan
    Ay Comelec mismo ang may kakulangan
    Sa di pagtupad sa batas na naturan.

    Pagkat kung ang sistema ng tuloy-tuloy
    Na ‘registration of voters’ ang isulong
    Base sa 1996 Constitution,
    Hanggang Enero dapat ang rehistrasyon.

    Anong karapatan mayrun ang Comelec
    Upang itong ‘Registration of Voters’
    Ay iklian nito’t sapawan ang Congress
    Sa kung anong bagay na di pa ‘amended?’

    At ang Kongreso lang itong bukod tanging
    May ‘legislative power’ para  ayusin,
    Ang anumang batas na dapat i-‘repeal,’
    Amyendahan at/o marapat baguhin.
     
    Sabihin na nating ang ‘mañana habit’
    Ng marami itong sanhi r’yan kung bakit
    Sandamakmak na yan kung kailan ‘last minute,’
    D’yan ay may solusyon tayong nasisilip.

    Sundin kung ano ang ipinag-uutos
    Ng batas at yan ay malulutas lubos;
    Gawing otso oras ang kanilang pasok,
    Ya’y napakaluwag nilang matatapos.

    Kaya marapat lang sa puntong naturan
    Na magtrabaho rin kahit di halalan
    Ang ating Comelec, partikular na r’yan
    Ang tinatawag na ‘Comelec Registrar;’

    At bukas yan lagi upang irehistro
    Ang mga botante sa sakop po nito;
    At kung maari ay bumisita mismo
    Sa bawat barangay para masiguro

    Na ang bawat kabataang ‘qualified’ na
    Upang makaboto ay rehistrado na,
    At kung hindi pa ay abisuhin sila
    Sa pamamagitan ng Kapitan nila.

    Na nakasasakop sa kanilang lugar,
    Upang magtungo sa kanilang tanggapan;
    At ito na rin ang kwenta magbibigay
    Ng nararapat na aksyon kung kailangan.

    Sa ganyang paraan ay maiiwasan
    Pati ang dapat alisin sa listahan,
    Gaya nitong mga matagal nang patay
    (Pero aktibo pang botante ang ilan.)

    At iba pang bagay na nakadaragdag
    Sa trabaho ng Comelec nang di oras;
    Pagkat dito pa lang plantsado ng lahat
    Ang gusot sakali’t may ilegalidad!


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here