Red Cross citizens na rin ang mag-inang Mother Lily at Roselle Monteverde

    421
    0
    SHARE

    MALAKI ang pasasalamat ng Red Cross, sa pamumuno ni dating Senador Richard Gordon, sa mag-inang Lily at Roselle Monteverde na hindi nagdamot ng oras at resources para sa ikatatagumpay ng isinagawang Red Cross Million Volunteer Run sa kahabaan ng Roxas Boulevard nu’ng Linggo ng umaga.

    Bukod sa paggising ng maaga, pagdalo at pagsuporta sa okasyon, naging daan din ang mother and daughter team ng Regal Entertainment para makuha ng Red Cross ang serbisyo ni Marian Rivera bilang celebrity spokesperson.

    Malaking bagay ang partisipasyon ni Marian sa nasabing fun run dahil dumagsa talaga ang libu-libong tao na tinayang nasa 400,000.

    Hindi magkamayaw ang mga volunteer participant, lalo pa nga’t buong tapang na sinuong ng aktres ang sarili sa gitna ng napakaraming tao bitbit pa ang boyfriend na si Dingdong Dantes.

    Sa totoo lang, halos mapipi ang dalawa sa nagsisiksikan at nag-uunahang fans na nagnanakaw ng litrato sa kanilang mga cellphone habang patungo ang mga idol nila sa makeshift stage sa kanto ng Quirino Ave. at Roxas Boulevard.

    Hirap man, bakas pa rin sa mga mukha nina Marian at Dingdong ang labis na kasiyahan dahil talagang napaka-successful ng event.

    Pagdating sa stage, halos hindi marinig ang pagbati ng dalawa dahil mas malakas pa ang hiyawan ng audience. Medyo na-late mag-start ang pagtakbo dahil ayaw magsialis ng mga tao hangga’t nandu’n ang kanilang mga idolo.

    Kaya, pinakiusapan sila ni Marian na tumakbo na para sila rin ni Dingdong, makatakbo.

    Bukod kina Marian at Dingdong, Mother Lily at Roselle, nagbigay din ng suporta ang iba pang celebrities gaya nina VP Jojo Binay, former Sen. Migs Zubiri, Tim Yap, Sheena Halili, Mia Pangyarihan, Mon Confiado, Fabio Ide, Claudine Trillo, atbp.

    Nakakatuwa lang dahil maging ang mga tulad nina VP Binay at Mother Lily, hindi nakaligtas sa pagpapa-picture ng volunteer runners. Halos isang oras yata tumagal sina VP Binay at Mother Lily sa stage bago nakababa sa dami ng nag-aabang.

    Kung pahirapan ang pagpunta nina Marian at Dingdong sa stage, doble pahirapan ang pag-alis at pagsakay nila ng sasakyan. Naputol kasi ang cordon ng marshalls nu’ng paalis sila, kaya nagkagulo ang fans.

    Mula sa stage, kitang-kita namin kung paano umalon ang mga taong nagbabalyahan para makalapit sa magkasintahan.

    Buti na lang, naagapan ng marshalls, dahil kung hindi, baka nagka-stampede pa!

    Pagdating sa finish line na malapit sa Imax Theater ng SM Mall of Asia, bumungad ang tinaguriang tent city ng Red Cross, kung saan apat doon ay courtesy pa rin ng mag-inang Lily at Roselle.

    Airconditioned ang mga ipinagamit na tents ng Regal na napag-alaman namin ay sinagot din ang krudo ng mga generator nito.

    Kaya kina Mother Lily, Roselle at Chairman Gordon, congratulations!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here