Ayon kay Mayor Amelia Gamilla, ang panunumpa ay kaalinsabay ng paglulunsad ng Red Cross 143 o Red Cross I Love You na pinangunahan nina PNRC Chairman Sen. Richard Gordon at Nueva Ecija Board Chairman Tomas Joson III.
Ayon kay Gordon, ang mga 44 member-volunteers bawat barangay ay lilikha ng mabilis na ugnayan at aksiyon mula sa barangay hanggang sa pambansang lebel sa panahon ng kalamidad. Mula paggising sa taumbayan sa panahon ng pangangailagan hanggang pagtawag sa Maynila ay magiging sistematiko, ani Gordon.
Pinagunahan din nina Gordon, Joson, Vice Gov, Edward Thomas Joson, Gamilla at iba pang opisyal ang pagpapamahagi ng First Aide Kit bags sa grupo ng volunteers.
Ayon kay Joson, ang mga kasapi ay sasanayin sa pagtugon sa lahat ng anyo ng pangangailangan sa panahon ng sakuna. Kailangan ito, ayon sa kanya, upang matiyak ang kaligtasan ng mga tutulungan.
Binigyang-diin ni Gordon ang kahusayan ng Red Cross Nueva Ecija Chapter na aniya’y napakaraming natutulungan at hindi tumitigil sa paglilingkod.
Ang Red Cross 143 ay pinalalaganap sa buong kapuluan, ayon sa senador. Ngunit nagpahayag din siya ng paghanga sa sistema ng pag-organisa sa Nueva Ecija. “Gusto kong makita ng taumbayan ang napakaraming volunteers na ito,” dagdag pa niya.