Recycled politicians

    497
    0
    SHARE
    Mainit na ang pulitika sa Pampanga. Kanya-kanya ng deklarasyon ang mga pangunahing pulitiko ng posisyong kanilang tatakabuhan sa susunod na halalan.

    Tatakbo daw gobernador sa susunod na halalan sina Senador Lito Lapid at Bise Gob. Yeng Guiao. Si Gob. Ed Panlilio naman ay tatakbo daw Pangulo ng republika.



    Mukhang tama ang pananaw ni Gen. Nilo Dela Cruz na talagang maiingay lang ang mga taga-Pampanga, pero hindi mararahas.

    Sa Bulacan kasi, tahimik pa ang mga pangunahing pulitiko, pero ayon kay Dela Cruz ay minomonitor na nila ang sitwasyon sa lalawigan dahil sa mainitang labanan sa pulitika.



    Sa kabila ng pagiging tahimik ng mga pulitiko sa Bulacan, umuugong na ang balita kung sino-sino ang magtutunggali.

    Para sa pagkagobernador, malamang daw na sina Bise Gob. Willy Alvarado at dating Gob. Josie Dela Cruz ang magsagupaan.



    Hindi naman malinaw ang plano ni Gob. Jonjon Mendoza, dahil sa paglutang ng balitang ang kanyang Ate Josie ang tatakbong muli bilang gobernador.

    Pero maugong din ang balitang tatakbong bilang kongresista ng ikatlong distrito si Mendoza dahil nagpatayo na siya ng bahay at nagpalipat na raw ng kanyang voter’s registration sa bayan ng San Miguel.



    Dahil naman sa pagpapalipat ng kanyang voters registration sa bayan ng San Miguel, pumutok din ang balitang tatakbong Mayor sa nasabing bayan si Mendoza.

    Hindi naman ito ikinatuwa ng kampo ni Mayor Roderick Tiongson, ang kasalukuyang alkalde ng nasabing bayan na kaalyado ni Mendoza.



    Kung tatakbong mayor ng San Miguel si Mendoza, makakalaban niya si Tiongson at si dating Mayor Edmundo “Pop” Buencamino.

    Kung tatakbo namang kongresista ng ikatlong distrito si Mendoza ay makakatunggali niya si Mayor Ricardo Silverio, ang dating kinatawan ng nasabing distrito. Ang asawa naman ni Silverio na si Kinatawan Lorna Silverio ay magbabalik bilang alkalde ng San Rafael.



    Sa unang distrito naman ng Bulacan, malaki ang posibilidad na muling tumakbo si Kintawan Marivic Alvarado, ang asawa ni Bise Gob. Willy Alvarado.

    Pero lumulutang din ang balita na tatakbo bilang kongresista sa nasabing distrito si dating Gob. Roberto Pagdanganan.



    Sa Lungsod ng Malolos, pag-aagawan nina Bokal Christian Natividad, dating Vice Mayor Al Tengco at dating DPWH Usec Carol Mangaoang ang posisyon bilang alkalde na babakantehin ni Mayor Danilo Domingo.

    Si Domingo naman ay tatakbong Kongresista ng Lone District of Malolos na kailan lamang napagtibay.



    Labo-labo rin ang laban sa bayan ng Hagonoy. Balitang-balita ang pagbabalik ni Mayor Toti Ople at maaring makatunggali niya ang kasalukuyang alkalde na si Angel “Boy” Cruz; at si dating Konsehal Rey Santos na natalo sa pagka-alkalde noong 2007 elections.

    Bukod sa tatlo, baka makipagsabayan na rin si Vice Mayor Elmer Santos at si dating Konsehal Ume Reyes.



    Sa bayan ng Bulakan, maaki ang posibilidad na hindi tumakbo sa pagka-alkalde si Anacleto Meneses at hayaan na lamang ang kanyang kaanak na si Vice Mayor Patrick Meneses.

    Sa bayan ng Pulilan, mukhang magbabalik sa pagka-alkalde si Vice Mayor Elpie Castillo, at si Mayor Vicente Esguerra at magbabalik sa pagka-Bise-Alkalde. Pero baka madiskaril ang plano ni Castillo kung babalik sa pag-alkalde si dating Vice Gov. Rely Plamenco na mula 1986 hanggang 1998 ay nanungkulang akalde ng Pulilan.



    May tsansa rin daw na muling tumakbo bilang Bise Gobernador sina dating Bokal Boy Aniag at Daniel Fernando na sumikat sa pelikulang Scorpio Nights.

    Ang dalawa ay kapwa tinalo ni Bise Gob. Willy Alvarado sa halalan noong 2007.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here