Rebulto ni Plaridel tinunaw, muling itatayo

    1242
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS— Tiniyak ni Gob. Wilhelmino Alvarado na muling maitatayo ang bantayog ni Gat Marcelo H. Del Pilar ngayong Oktubre.

    Ito ay matapos ibaba ang tansong rebulto noong Setyembre 16, o halos limang araw matapos na itayo noong Setyembre 11 sa sentrong isla sa harap ng Kapitolyo.

    Ayon sa gobernador, ang may P1.5-milyon tansong rebulto ni Del Pilar na kilala sa tawag na Plaridel ay tinunaw at muling ihuhulma. Ito ay bahagi ng pagkukumpuni sa rebulto matapos na iyon ay bisitahin ni Alvarado at mapintasan ng ilang Bulakenyo noong Setyembre 13.

    “Tinunaw uli, para i-recast as part of the repair,” ani Alvarado. Aminado si Alvarado na hindi pumasa sa panlasa ng marami ang anyo ng bantayog ni Plaridel, ang itinuturing na dakilang propagandista at panglalawigang bayani ng Bulacan.

    “Medyo lumaki ang ulo, hindi proportion, tapos ay parang umikli ang binti,”sabi ng gobernador. Ipinaliwanag niya na batay sa talang kasaysayan ay hindi masyadong kataasan ang tindig ng bayani.

    Ikinumpara pa niya ito kay Dr.Jose Rizal na hindi rin kataasan ang tindig. “Kung tutuusin ay mas mababa siya kay Dr.Rizal dahil may mga basehang larawan,” pero iba na dapat ang interpretasyon pag rebulto na ang pag-uusapan, dapat ay larger than life,” sabi ni Alvarado.

    Iginiit pa niya na ang pangunahing rebulto ng bayani sa lalawigan ay matatagpuan sa bayan ng Bulakan at iyon ay matangkad ang anyo.

    “Baka pagdebatehan pa ang height niya pag ikunumpara sa bantayog sa Bulakan,Bulacan,” sabi niya.

    Idinagdag pang punong lalawigan na maganda ang larawan ng rebulto maging ang miniature image nito na inihulma sa clay. “Nagkaroon ng pagbabago, pag nasa gilid ka ay pandak ang dating, pero pag nasa harap ka at malayo, ay maayos at maganda,” aniya.

    Ang tansong rebulto ni Plaridel ay itatayo sa harap ng Kapitolyo bago matapos ang unang Linggo ng Oktubre.

    Ito ay unang pinlanong pasinayaan noong Setyembre 8, o sa araw ng pagbubukas ng taunang Singkaban Fiesta,- ngunit hindi umabot dahil sa pag-ulan.

    Ang rebulto ay inukit ni Jose Dionas Reyes, ang iskultor na lumilok sa pinakamataas na bantayog ni Gat.Jose Rizal na matatagpuan sa lungsod ng Calamba sa Laguna.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here