SUBIC, Zambales – Arestado ang isang lalaki matapos itong ireklamo sa umano’y panggagahasa sa isang 9-anyos na batang babae sa Barangay Calapacuan sa bayang ito.
Kinilala ni Senior Inspector Jelson Dayupay, hepe ng Subic Police Station, ang suspek na si Leopoldo Brillante, 25, at residente ng Bernab 3rd, Barangay Beneritan, Morong Bataan.
Ang suspek ay dinakip ng pulisya sa kanyang hide-out sa Mercurio St., Barangay Calapacuan matapos itong ireklamo sa pulis dahil sa panggagahasa.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Subic PNP, ang suspek ay may standing warrant of arrest ng three counts of Rape sa Morong, Bataan PNP.
Ang suspek ay nasa talaan ng Morong PNP sa No. 1 Most Wanted Person.