MARIVELES, Bataan – Sa tulong ng impormante, nadakma Linggo ng hapon ng police team ng Orani, Bataan ang isang lalaking nagtago ng halos isang taon dahil sa kasong rape at robbery with violence against person.
Ani Chief Insp. Jeremias Dayo, hepe ng pulisya ng Orani, hindi na nakapalag si Joey Bernaldo ng barangay Pantalan Luma, Orani matapos mapaligiran ang kanyang pinagtataguan sa sitio Balimbing, barangay Bonifacio, dito ng Orani police team sa tulong ng pulisya ng Mariveles.
Ayon kay PO2 Erson Manio, Orani police investigator, inaresto si Bernaldo alas-5 ng hapon sa bisa ng Arrest Warrant na dala ng raiding police team sa pangunguna ni Insp. Reynaldo Valencia, Orani deputy police chief.
Ang suspek ay isa sa tatlong lalaking diumano’y nanghalay sa isang babae sa barangay Sabatan, Orion, Bataan noong isang taon.
Nadaanan ng tatlo ang babae kasama ang kanyang kasintahan at pwersahang dinala at pinagsamantalahan ang babae matapos saktan ang kasintahan nito at kulimbatin ang cellphone, sabi ni Manio.
Si Bernaldo ang pangalawa sa mga supek na nadakip. Pinaghahanap pa ang ikatlong suspek, sabi ng police investigator.
Pansamantalang nakapiit si Bernaldo sa detention cell ng Orani municipal police station.