Rally laban sa mining operation sa Zambales

    345
    0
    SHARE

    IBA, Zambales — “Stop mining in Zambales” ito ang mariing pinagsigawan ng mga grupo ng mga magsasaka at mangingisda nang maglunsad ng kilos protesta laban sa mining na isinagawa kahapon sa harapan ng Provincial Capitol.

    Panawagan ni Rufi na “Pines” Arcega, ng Defend the Environment for Genuine Development of Zambales, na dapat tigilan na ang pandarambong sa likas-yaman ng Zambales.

    Aniya, may 44,000 na ektarya ang minimina sa Sta Cruz at 1/3 pang kalupaan ang nakatakdang minahin nang nagsimula ang operasyon ng pagmimina noong 2007.

    May limang malalaking kumpanya ang bumubungkal ng lupa at mineral na nickel sa Sta Cruz matapos ang chromite operation, ang mga kumpanyang ito ay ang BMCI, Benguet, Rosina, Filipinas Mining, at ang L and L Shang-Fil, na pawang malalaki.

    Iginit ng grupo na ang pagkawasak ng kalikasan,kabuhayan at kaayusan ng kanilang kabuhayan ay sanhi ng pagputol ng mga puno ng kahoy dala ng open pit mining na nagdudulot ng pagbaha at pagtabun ng putik sa mga ilog, sapa, irigasyon at palayan,sanhi din ng pagbaba ng ani sa kanilang mga palay at pangisdaan.

    Tinukoy nila ang pagkalugi ng mga magsasaka dahilan sa pagmimina na hindi bababa sa P50 milyon sa bayan ng StaCruz, P39 milyon halaga na pinsala sa inprastraktura sa bayan ng Masinloc, at 1,000 ektaryang palayan sa Candelaria Apektado rin anila ang kanilang kalusugan kung saan nakakaranas na ng sakit sa baga at mata dulot ng alikabok mula sa hinahakot na mineral mula sa kabundukan.

    Humarap naman si Gov. Hermogenes Ebdane Jr sa mga nagprotesta,at idiniin sa grupo na ang mining ay simula pa noong 1913 na dahilan aniya sa pagkakaroon ng parity rights agreement sa pagitan ng Spanish at American ay nagalaw ang ating mga resources.

    Hinimok naman ng gobernador ang mga grupo na makipag dayalogo sa kanya at magpakita ng mga ebidensiya sa mga nasalanta dulot ng pagmimina.

    Dugtong ng gobernador, tutol siya sa maling pamaraan ng pagmimina, subalit hindi naman kumbinsido ang mga rallista sa naging paliwanag ng gobernador sa operasyon ng minahan sa lalawigan, at anila dapat nang ibasura ang Mining Act of 1995 na siyang nagbibigay ng kapahintulutan sa mga nagmimina at dahil dito ninanakaw nila ang likas na yaman sa halip na pakinabangan ito ng mga Zambalenos.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here