NO TO COAL PLANT. Dagsa ang mga nag-rally sa lansangan ng Olongapo.
Kuha ni Johnny R. Reblando
OLONGAPO CITY —Muling nagsama-sama sa isang rally ang ibat-ibang organisasyon, mga estudyante at isinantabi muna ang pulitika ng mga opisyal ng Olongapo at Zambales para tutulan ang pagpapatayo sa coal thermal plant sa Subic, Zambales.
Bitbit ang placard sa ulanan at nag-martsa patungong Marikit Park ang estudyante at mamamayan kung saan doon isinagawa ang programa ng pagtutol sa coal plant.
Ipinaliwanag din ni Joan Meris ng Greenpeace ang epekto ng coal plant sa taumbayan kasabay ng panawagan nito kay Pangulong Benigno Aquino ng “No to Coal, yes to renewable energy”.
Nakiisa naman ang mga dayuhang volunteer ng PREDA Foundation sa rally sa pamamagitan ng paglalagay ng stickers sa kanilang mukha ng “No to Coal Plant”.
Sinabi naman ni Alex Hermoso, convenor ng Zambales-Olongapo Civil Society at No to Coal Plant, tuloy-tuloy na ang kanilang rally para iparating sa pangulo ang kanilang pagtutol sa pagpapatayo ng planta.
Ayon pa kay Hermoso nakapag-file na sila sa Supreme Court ng “Writ of Kalikasan”, maging ang grupo sa Zambales ay dinemanda na ang SBMA at RP-Energy dahil sa hindi pagpapatupad sa naunang kasunduan at hindi sila titigil hanggat hindi natitigil ang plano na maglagay ng coal plant sa Subic.
Matapos ang maikling programa sa Marikit Park, muling naglakad patungo ng Magsaysay Drive at Main Gate sa SBMA ang mga nag-rally para maipakita sa RP-Energy ang kanilang mariing pagtutol sa pagpapatayo ng coal plant kasabay ng sigaw na “coal plant sa Subic, ayaw namin”.