LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Hindi dapat katakutan ng mga employer ang isinasagawang Run After Contribution Evaders o RACE Campaign ng Social Security System o SSS.
Ang pag-iikot o pagbisita sa mga establisimento ay may pangunahing layuning maipaalam at maipaalala sa bawat employer ang kanilang obligasyon na wastong pagtatala at paghuhulog ng konstribusyon ng mga empleyado.
Ayon kay SSS Luzon Central Legal Department Head Vic Byron Fernandez, hindi intensiyon ng ahensiya na manakot ng mga employers bagkus ay ipaalala ang mga legal na responsibilidad para sa kapakanan ng mga nasasakupang empleyado, na kung hindi ipinatutupad ay may kaakibat na parusa batay sa isinasaad ng Batas Republika Bilang 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Paglilinaw ni Fernandez, hangad ng ahensiya na makatulong ang RACE Campaign sa mga nakalilimot na employer dahil may kaukulang kaso at maaari pang magresulta sa pagkakakulong kung hindi rehistrado ang negosyo sa SSS, non-reporting of employees, non-production of employee records, at non-remittance of SSS contributions.
Kaya huwag aniyang balewalain ang mga ipinadadalang billing letter ng SSS na nagbibigay ng sampung araw na palugit sa mga employer upang mabayaran ang kulang na kontribusyon ng mga empleyado dahil kung hindi sila makatutugon dito ay ipapasa ng branch ang pag-aksyon sa legal department ng ahensiya.
15 araw naman ang ibinibigay na panahon ng SSS Legal Department sa mga employer na pinadadalhan ng demand letter bilang paalala muli sa pagbabayad ng mga kulang na hulog para sa mga empleyado.
Pahayag ni Fernandez, kung hindi pa din ito maisasaayos sa ibinigay na pagkakataon ay mapipilitan nang maghain ng criminal case ang ahensiya laban sa mga employer sa hindi pagsunod sa batas.
Sa kabila nito aniya ay laging handa at bukas ang tanggapan ng SSS upang makipag-ugnayan sa mga employer na nais nang mag-settle ng bayarin kahit pa sa panahon na mayroon nang naihaing kaso na maaari pang mabigyang solusyon upang hindi na umabot pa sa pagkakakulong.
Ayon pa kay Fernandez, hindi nais ng SSS na mayroong makulong na employer kaya maraming pamamaraan at hakbang na ginagawa ang ahensiya upang lubos na malaman at maalala ng bawat kumpanya ang mga obligasyon para maisulong ang karapatan ng mga empleyado sa wastong pagbibigay ng mga benepisyo.
Kaugnay nito ay umikot ang SSS sa ilang mga establisimento sa Cabanatuan sa pangunguna ni Luzon Operations Group Senior Vice President Antonio Argabioso, Luzon Central 1 Division Vice President Vilma Agapito, si Fernandez, Cabanatuan Branch Head Jose Rizal Tarun at kanilang mga kawani. (CLJD/CCN-PIA 3)