Home Headlines Quarantine kailangan bagama’t pansamantalang sumisikil sa kalayaan

Quarantine kailangan bagama’t pansamantalang sumisikil sa kalayaan

939
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Ipinahayag ni Gov. Albert Garcia sa Araw ng Kasarinlan na sa isip, lalo na ng mga kabataan, ay may tanong na kung ano na ba ang kabuluhan ng ika-12 ng Hunyo 1898 sa kanilang buhay dahil sa dinaranas na iba’t ibang klase ng quarantine sa ating bansa.

Noong ika-12 ng Hunyo, 122 taon na ang nakakaraan, ay idineklara ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas matapos ang matagumpay na himagsikan laban sa mga Kastila kung saan libo-libong buhay ng mga Pilipino ang ibinuwis.

Ang binabanggit ni Garcia na iba’t ibang quarantine ay ang enhanced community quarantine, modified ECQ, general community quarantine, at modified GCQ naipinataw sa iba’t ibang lugar ng bansa upang masugpo ang pandemyang coronavirus na patuloy na kumikitil ng maraming buhay sa maraming bahagi ng mundo.

Tuwiran, aniya, nitong nalimitahan ang mga maaari nating gawin sa labas ng ating mga tahanan, nabawasan ang mga bagay na dati ay malaya nating nagagawa.

“Maaaring isipin ng ilan na ito’y pagsikil sa kalayaan ngunit kailangan ito upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng nakakarami,” sabi ng gubernador.

Hanggang sa mga araw na ito, aniya, sabik na sabik atgusto nating lahat na manumbalik ang ating kalayaan na magawa ang ating mga nakagawian tulad ng mayakap ang ating mga kaibigan at mahal sa buhay na malayo sa atin, makapagsimba.

Ganoon din ang kumain sa labas kasama ang kaanak at mga kaibigan, makadalo sa mga pagtitipon gaya ng birthday, reunion o kasal, makapasok sa paaralan at trabaho at maglakwatsa sa mall.

“Ngunit alam din natin na habang wala pang bakuna na susugpo sa Covid19 ay patuloy nating tatanggapin ang mga pansamantalang hadlang sa ating ganap na kalayaan,” sabi ni Garcia.

Ipinaliwanag ni Garcia na ang bawat isa sa atin sa sari-sarili nating mga tahanan ay mga frontliners din sa “digmaang” ito. Tungkulin, aniya, nating pigilan o pabagalin ang paglusob ng virus nang sa gayon ay hindi malunod sa dami ng mga critical Covid cases ang ating mga ospital na tumatayong last line of defense laban sa pandemya.

Sa ngayon, ani governor, kabisado na  natin ang mga kailangan nating gawin tulad ng paulit-ulit na paghuhugas ng kamay, pananatili sa bahay kung wala rin lang mahalagang kailangang gawin sa labas, kung talagang kailangang lumabas ng bahay magsuot ng face mask at sikaping sumunod sa mga patakaran ng social distancing.

Napakasimple, aniya, ang mga hakbang ngunit napakabisa upang mapagaan ang pasanin ng mga duktor, nars, at ibang health workers sa labang ito.

Ipinabatid ni Garcia na dahil sa kooperasyon ng lahat, napigilan ang paglaganap ng Covid19 sa lalawigan at napanatili na mababa ang bilang ng mga namatay dahil sa virus.

Sa huling ulat ng provincial health office, nasa 164 ang kumpirmadong kaso ng Covid19 kung saan 141 ang naka-rekober na at 10 naman ang nasawi.

Ngunit kahit pababa ang trend ng Covid-19 sa Bataan, hindi pa tapos ang laban. Hangga’t walang Covid-19 vaccine, kailangan nating patuloy na maging maingat, alisto, at handang umangkop sa pabago-bagong sitwasyon at asahan  ninyo na nakatutok ang pamahalaan sa pangangalaga sa kalusugan at kapakanan ng lahat ng Bataeño,” sabi ni Garcia.

Dahil ang virus ay isang kalabang hindi natin nakikita, sinusunod po natin ang pamamaraang TEST, TRACE and TREAT upang maging epektibo ang ating mga ipinatutupad na programa kontra Covid,” dagdag pa ng governor. TEST sa pamamagitan ng 1Bataan PCR laboratory, TRACE sa tulong ng binuong command center for Covid19, at TREAT sa paglalagay sa Bataan General Hospital and Medical Center at ng Mariveles District Hospital bilang eksklusibong ospital para sa mga apektado ng Covid19.

Ang mga pasyenteng  non-Covid naman, aniya, aywalang dapat ipag-alala sapagka’t may memorandum of agreement ang provincial government sa mga pribadong ospital. Ang lumang Kapitolyo naman ay matatapos na bilang annex ng BGHMC at ang Residencia Sacerdotal, sa tulong ni Bishop Ruperto Santos, ay pinaggaganapan ng  chemotherapy session sa mga batang may cancer.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here