Qatar

    749
    0
    SHARE

    Iwan muna natin sandali ang pulitika sa Pampanga.

    Mula Gitnang Luzon, dito ako ngayon napadpad – sa Gitnang Silangan, sa Doha, Qatar.

    Isang tahimik na lugar ang Doha. Simple ang buhay at abala ang lahat sa pagtatrabaho lalo na ang mga overseas Filipino workers (OFWS). Madami din ang mga ibang mga lahing naririto na nakikipagsapalaran.

    May mga Indiano, Pakistani, Lebanese, Jordanians at Egyptians. Isang dahilan ay madami din kasi ang kailangang mga manggagawa dito.

    Isang papaunlad na bansa ang Qatar, kaya madami ang ginagawang mga gusali. Mahigit sa 100 hotel at 9 na football stadium ang ginagawa sa kasalukuyan.

    Dito kasi gaganapin ang FIFA World Cup (football) sa 2022 kaya puspusan ang paggawa.

    Nagsisimula ang mga manggagawa sa hapon hanggang madaling araw dahil umaabot ng 46 degrees centigrade ang init kapag tanghaling tapat. 

    Pero ngayon ay panahon ng Ramadan kaya’t anim na oras lang ang trabaho sa halos lahat ng opisina o establisimento. Bawal ang kumain at uminom ng kahit ano kapag nasa taxi o nasa sariling sasakyan.

    Ang mga kainan o restaurants ay ala-sais ng gabi kung magbukas dahil bawal sa mga Muslim ang kumain mula umaga hanggang sa itinakdang oras.

    Napaka-mura ng gasolina dito. Ang isang litro sa Pilipinas na P52 ay nasa 1 Qatar Riyals lang o P11.75 sa ating salapi. Ibig sabihin ay umaabot lang sa humigit kumulang P400 ang full tank ng isang ordinaryong kotse.

    Ang mga brand new na sasakyan ay mababa ng 20 porsyento kumpara sa Pinas.

    Ang mga appliances at laptop naman ay napaka-mura din. Makakabili ka sa halagang P17,000 na 32-inch na Sony LCD TV.

    Mataas lang ng konti ang mga LED at Smart/Internet TV pero mura parin ng 20 hanggang 30 porsyento.

    Masisiyahan ka sa presyo ng laptop dahil ang nagkakahalaga ng P34,000 sa Pinas ay nasa P24,000 lamang dito, mas mababa ng P10,000 o higit pa lalo na kapag naka-sale.

    Kagaya ng kotse, mababa o halos wala ng ipinapatong na tax sa mga ito. Mayaman kasi ang bansa dahil isa ito sa mga suplayer ng langis sa buong mundo.

    Dahil dito ay malaki ang ibinibigay na pension sa mga Qatari, ang tawag sa kanilang mga lokal. Wala pa sila sa 1-million.

    Dahil lahat sila ay pensionado, magagara ang kanilang mga sasakyan: Hummer, Jaguar, Audi, BMW, GMC, Mercedes Benz, Lamborghini, Ferrari, Subaru, Land Cruiser, Patrol, at lahat na ng naiisip ninyong mahal na sasakyan.

    Toyota Camry naman ang gamit na taxi dito pero wala kahit isang lokal na nagtataxi kundi mga expats lamang.

    Madali din ang pag-apply ng linya ng telepono/cellphone. Basta may trabaho ka, pi-fill-up kalang ng form, pipirma at pagkabigay sa papel, approve kaagad. Wala ng marami pang tanong wala na silang hihingin pang sangkaterbang mga dokumento.

    Sa pagkain naman halos baka, lamb, at manok ang inihahanda sa mga kainan. Walang baboy dahil bawal sa mga muslim ang baboy.

    Madami din ang pagkaing dagat at gulay.  Kung may Starbucks sa Pinas meron din dito. Kung may Coffee Academy diyan, may Costa coffee naman dito. Pero mas marami ang mga coffee shops dito dahil mahilig sa kape ang mga Qatari.

    Medyo mahal din ang pagkain sa labas pero mas makakatipid ng malaki kung maggo-grocery at sa flat nalang magluluto kagaya ng ginagawa ng maraming mga OFWs. Madalas ay madaming mga tao sa mga pamilihan at mga malls kapag Biyernes at Sabado dahil ito ang kanilang pinaka-day-off.

    Minsan naman ay nagpa-check up ako sa Health Center nila. Malinis, may kaayusan at mabango ito.

    Libre ang konsulta at ang mga gamot na nireseta ng duktor ay branded at nasa 80 hanggang 90 porsyento ang diskwento sa kanilang botika.

    Madami ang trabaho dito ngayon lalo na para sa mga inhinyero, arkitekto at mga accountant. Meron din para sa mga nakatapos ng Psychology at Hotel and Restaurant Management.

    Sa mga medyo may kataasan (5’4" pataas) na kababaihan o kahit mga lalake na nagnanais maging Flight Attendant o FA ay pwede din mag-apply sa Qatar Airways. Makikita ang mga trabahong pwedeng aplayan sa www.bayt.com.

    Istrikto ang pagpapatupad ng batas sa bansang ito. Hindi pwede magsama ang magkasintahan o magasawa sa isang bahay ng walang authenticated marriage certificate. Kundi kulungan ang aabutin ninyo.

    Maraming bagay ang natutunan ko dito. Bawat bansa ay may kanya-kanyang likas na yaman o maituturing na kayamanan na bigay ng Diyos. Pero hindi lamang ang pagkakaroon nito ang dahilan ng pag-unlad kundi ang tamang paggamit sa mga ito.

    Kung madami man reserbang langis ang Qatar, hindi naman ito inaabuso at hindi rin nang-aabuso ang mga nasa gobyerno nila. Walang buwaya at walang mga asong matatakaw na walang kabusugan.

    Higit sa lahat, wala silang “Primadona” (sa city hall) na nagmamagaling pero wala namang nagagawang magaling.

    May direksyon ang kanilang pamamahala. Lahat pinaghahandaan at ipinatutupad ng naaayon sa plano.

    Hindi rin pinag-uusapan dito ang pulitika kaya walang bangayan at walang hilaan pababa. Higit sa lahat, ang utos ng hari ay hindi nababali.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here