Ang PWD na naaresto at ang mga naaktuhan sa cybersex den. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Arestado ang isang person with disability habang apat, kabilang ang isang menor de edad na lalake, ang nailigtas mula sa cybersex den sa isinagawang raid ng Criminal Investigation and Detection Group– Bulacan, at city social welfare and development office nitong Martes sa Barangay Muzon.
Ayon kay Capt. Jay Calderon, deputy chief ng CIDG Bulacan, nakatanggap sila ng ulat ng nasabing cybersex den at agad silang nagsagawa ng surveillance operation sa lugar at nang makumpirma ay agad nila itong sinalakay at naaktuhan pa nanakikipag–video sex chat ang tatlong kababaihan at isang lalake na menor de edad sa mga banyaga nitong parokyano.
Nakuha sa bahay ng PWD na kinilalang si Ma. Cristina Dino ang tatlong set ng mga computer, webcam, speaker, at isang internet router habang nakatakas naman ang kasamahan nito na nakilalang si Marissa Montemor.
Aminado si Dino na isang taon na siyang nasa ilegal na gawain at 24 oras ang kanilang operasyon kung saan tatlong kababaihan sa umaga at tatlo din sa gabi ang halinhinan sa pakikipag cybersex.
Sumasahod daw ang kanyang mga empleyado ng P25kada minuto depende sa nais ipagawa ng customer nito sa harap ng camera.
Alam naman daw niyang mali ang ganitong gawain ngunit dahil sa kanyang kapansanan ay mahirap ang makahanap ng maayos na trabaho kaya niya ito pinasok.
Nagsisi naman siya sa nagawang krimen at may nag-udyok lamang daw sa kaniya para pasukin ang ganitong uri ng negosyo.
Sa kasalukuyan ang mga nailigtas ay isasailalim sa counseling ng CSWDO habang ang suspek na si Dino ay sasampahan ng kasong paglabag sa R.A No. 9208 o Anti-Trafficking in Person Act of 2003.