BONGABON, Nueva Ecija – Isang hinihinalang pusher ng droga mula sa Cabanatuan City ang napatay matapos na makipagbarilan umano sa mga pulis sa buy-bust operation sa Barangay Vega ng bayang ito bandang alas 7:20 ng gabi nitong Linggo.
Kinilala ni Major Jaime Ferrer, hepe ng Bongabon police station, ang suspek na si Teoderick Laroco, Jr., 24, ng Purok 5, Barangay MS Garcia, Cabanatuan City.
Ayon kay Ferrer, ikinasa ng kanilang drug enforcement team ang buy-bust nang makumpirma ang iligal na aktibidad ng suspek.
Matagumpay raw na nakabili ng isang sachet ng shabu ang operatiba na nagkunwang buyer mula kay Laroco ngunit mistulang nakatunog ito at bglang bumunot ng .38 revolver at nagpaputok sa direksyon ng pulis.
Napilitang gumanti ang mga operatiba at napuruhan ang suspek na nagresulta sa daglian nitong pagkamatay, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa imbestigasyon ng provincial police crime laboratory office ay narekober ang baril ng suspek, isang sachet ng shabu at ang P500 buy-bust money.