Ayon kay Supt. Heryl Bruno, hepe ng Malolos PNP, mismong ang nakababatang kapatid pa ni Dolorico ang nagsuplong sa kanila na may imbakan pa ng marijuana ang suspek sa inuupahan nitong mga bahay.
Dahil dito ay agad na sinalakay ng PNP ang tinukoy na mga bahay kung saan nasa isa at kalahating bloke ng marijuana ang nakumpiska sa Barangay Bagong Bayan (Sta. Isabel) at siyam na bloke ang nakumpiska naman sa Barangay Bangkal.
May kabuuang P105,000 ang halaga ng tinatayang nasa 10 at kalahating bloke ng mga nakumpiskang marijuana.
Bukod sa mga marijuana ay nakumpiska pa rin sa bahay ni Dolorico ang drug paraphernalia at isang sachet ng hinihinalang shabu.
Nasa kustodiya na ngayon ng PNP ang mga nakumpiskang ilegal na droga bilang karagdagan pa umanong ebidensya laban sa napatay na si Dolorico na ito nga ay nagtutulak ng ilegal na droga sa Malolos.
Ayon pa kay Bruno, may mga hawak na rin silang impormasyon na may mga kasama pa si Dolorico sa grupo ng mga skateboarders ang kanilang minamatyagan na mga sangkot din sa ilegal na droga.
Si Dolorico ay napatay ng Malolos PNP sa barangay Bangkal matapos umanong manlaban sa ginawang buy-bust operation ng mga otoridad.