MEYCAUYAN CITY — Isang drug pusher ang ipinaaresto ng kanyang sariling ina sa kapulisan matapos ireklamo na harap-harapan nang nagtatarya at tumitira ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang tahanan.
Nakilala ang suspect na si Von Bryan Santos, 35, binata, driver at residente ng Barangay Camalig ng nasabing lungsod.
Nagpasya ang ina na magsumbong sa pulis matapos hindi na makatiis sa ilegal na gawain ng anak kung saan sa mismong harapan na umano nila ito tumitira ng droga at nagtatarya ng mga ibinebentang shabu.
Natatakot na rin ang pamilya ni Santosa dahil nag-iiba na rin daw ang pag-uugali at nagiging bayolente na ito.
Ang bahay ay ginagawang drug den dahil ang mga parokyano nito ay doon mismo gumagamit, sabi ng ina.
Ayon kay SPO1 Filamer Guillermo, imbestigador ng kaso, matapos na magsumbong sa kanila ang ina ng suspect ay agad nagsagawa sila ng surveilance kay Santos.
Nagkasa sila ng buy-bust operation at sa mismong bahay pa nito nagkabayaran hanggang maaresto.
Ayon sa PNP, matagal ng tinitiis ng magulang ng suspect ang nakikita sa anak ngunit nitong huli ay minumura na sila ng anak, nagiging bayolente at nagbebenta ng ng mga gamit sa bahay matustusan lamang ang bisyo.
Tumanggi namang magbigay ng panayam si Santos. Ang suspect ay kasalukuyang napiit sa custodial facility at mahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act o RA 9165 at Resisting Arrest.