Pusa at daga

    1446
    0
    SHARE
    Unahin nating talakayin iyang daga o mga daga. Kung mayroon man, bihira lang siguro ang nagkakagusto sa daga. Karamihan sa mga tao ay itinuturing ang daga na isang peste sa pananim, tagapagdala ng sakit, mapanira sa damit, nambubutas ng dingding, nagdadala ng sakit, at iba pang mga di-kanais-nais na ginagawa ng mga mumunting hayop na ito.

    Nguni’t kataka-taka na mayroon pa ring mga tao na aywan kung natatakot, nag-alang-alang o may iba pang damdaming iniuukol sa daga. Kasi ba naman, madalas kong naririnig na sinasabi ng mga ginang ng tahanan: “Huwag mong murahin ang mga mababait. Sisirain niyan ang mga damit mo at iba mo pang gamit.” Aywan ko nga ba kung tunay ngang may kakayahang gumanti ang mga “mababait”, na mga daga nga, sa mga taong nag-uukol ng mga masasamang salita sa kanila.

    Ang alam ko, kapag hindi mo pinuksa ang daga, kapag hindi ka nag-ukol ng galit sa daga na hahangga sa paglipol sa kanila, tiyak na mamumutiktik sila sa dami. Kasi iyang daga ay talagang napakalakas na dumami. Iyon daw isang pares ng daga, iyong mag-asawang daga, kapag pinabayaan mong manganak nang manganak, at kung ang kanilang mga anak ay manganak din nang manganak, aba’y magiging libu-libo ang dami nila sa isang taon. Ang babaing daga ay puedeng manganak ng mula anim hanggang 12 dalawa at madalas silang manganak.

    Maraming uri ng daga. May dagang bahay. May dagang dingding. Dagang bukid. Luzon striped rat, spiny rats, black rat, brown rat, Australian stick-nest rat, Australian water rat at maraming iba pa. Umaabot daw sa isang libo ang uri ng daga. Iilan lang naman, sabagay, ang nakikita natin dito sa bansa natin.

    Naalala ko, noong araw kakaunti lang ang dagang-bukid. Noong bago dumating ang dekada 60, mayroong mga magbubukid na nanghuhuli ng dagang-bukid para kainin. Pero bago dumating ang dekada 70, biglang dumami ang dagang-bukid. Marami nang ulat noon na sinisira ng mga dagang-bukid ang palay, mga halamang-gulay, mga mais, tanim na pakwan at iba pa. Naisulat ko na nga noon ang problema sa daga sa Nueva Ecija. Naisulat ko na rin na para mapabilis ang pagsugpo sa daga ay makabubuting hulihin ang mga ito, gawing karne, iluto at kainin. Alam ninyo, maraming nagtaas ng kilay noon. Daga, kakainin? Tinanong pa ako ng publisher noon kung kinakain nga raw ba ang daga. Sabi ko, pinatikim ako ng mga magsasakang nanghuhuli ng dagang-bukid para iluto at kainin.

    Ngayon, di ba marami na ring nagtitinda ng karne ng daga dahil marami na ring kumakain ng daga? Kaya nga lang, hindi karne ng daga ang tawag nila kundi “star meat”. Iyong “star” binaligtad na salitang “rats”. Mayroon pa ngang naglabas ng “star recipe” na natitiyak kung hanggang ngayon ay sinusunod ng marami sa pagluluto ng karne ng daga.



    Iyan namang mga pusa ay mainam na alaga sa bahay. Kapag kasi may alaga kang pusa, tiyak na walang dagang magtatangkang pumanhik sa bahay mo. Tiyak na hahabulin ang mga daga ng mga makakaramdam na mga pusa. Kadalasan, gutay-gutay ang katawan ng daga kapag siya’y nasakmal ng daga.

    Mainam nga ang may alagang pusa. Sila’y kaaway ng mga mapaminsalang daga. Sila’y nanghuhuli ng daga. Sila’y pumapatay ng daga. Sila’y mainam na bantay-bahay o bantay-paligid.



    Kaya ko binuksan ang paksang pusa at daga ay sapagka’t naihahalintulad ko ang madalas kong nakikitang nangyayari sa mga lansangang-bayan. Maraming “daga” sa lansangan na madalas naming sentro ng pag-aabang ng mga “pusa”. Pag-aabang ang sabi ko, sapagka’t hindi ko naman nakikitang hinahabol ng “pusa” ang mga “daga”.

    Ang tinutukoy kong mga “daga” ay yaong mga driver na walang karapatang magpatakbo ng kanilang mga sasakyan sa lansangan. Iyon bang mga driver na ang dalang sasakyan ay kolorum o mga may diperensiya. O kaya naman ay walang plaka o may mga kargamento na mukhang hindi dapat na ibiyahe o kaya nama’y walang kaukulang papeles o dili naman kaya’y sobra sa bigat.

    “Daga” rin sa lansangan na maituturing ang mga nakasakay sa mga motorsiklo o tricycle na walang lisensiya sa pagmamaneho, paso ang lisensiya, di-nakarehistro ang behikulo, walang helmet sa ulo at iba pang violation.

    Dapat nga lang na may “pusa” na nanghuhuli ng mga “daga” sa lansangan. Ang mga “dagang” ito ay mga panganib na maituturing sa lansangan dahil unang-una na ay hindi sila sumusunod sa alituntunin sa batas.

    Pero kadalasan, nakikita kong napaglalalangan ng mga “daga” ang “pusa” sa lansangan. Kasi ba naman, nakikita agad ng mga “daga” ang mga “pusa” na nakaabang sa lansangan. Ang ginagawa ng mga “daga”, lumilihis na lang ng daan. At alam ninyo, maraming daang pasikut-sikot ang alam ng mga “daga” na kanilang lulusutan.

    Nagulat nga ako minsan nang mapansin kong dumaming bigla ang nagdaraang mga sasakyan sa isang munting kalye na alam kong hindi naman karaniwang daanan ng sasakyan.

    “May nanghuhuli po sa highway,” sabi ng napagtanungan ko.

    Naiisip ko lang: matatalino pa pala ang mga “daga” sa lansangan kaysa sa mga “pusa”.

    Sa tingin ko, hindi epektibo ang mga “pusa” sa highway. Kasi ba naman, marami pa ring naglipanang kolorum na mga jeep na pampasehero, mga motorsiklong walang plaka, mga nagmamaneho ng motorsiklo na walang helmet, at iba pang mga nakamulagat na mga kasalanan ng mga “daga” sa lansangan.

    Ang alam ko, kapag walang epekto ang isinasagawang sistema, dapat itong baguhin para maging epektibo.

    Doon sa aming bahay, magagaling ang mga inaalagaan naming mga pusa. Walang nakapupusturang mga daga.



    Maraming mga “daga” sa ating lipunan na dapat pakabantayan ng mga “pusa” rin ng ating lipunan. Madalas, kapag nakaririnig ako ng balita ng patayan, ang naririnig kong ginamit sa pagpatay ay baril. Sa panghoholdap, sa pagnanakaw sa banko, sa mga awayan, sa mga kaso ng “salvaging”at iba, tiyak na tiyak na ang ginamit ay baril o mga baril. Ibig sabihin ay iyong mga “dagang” iyon ay nag-iingat ng mga baril na marahil ay walang mga lisensiya. Bakit kaya tila naglipana pa ang mga di-lisensiyadong mga baril. Hindi kaya ganap na naamuyan ito ng mga “pusa”?



    Napakaraming mga “daga” sa ating buhay sa ngayon. Sa mga pagawaing-bayan, wala ka nang ibang maririnig kundi ganito: “May SOP (sa tuwirang salita, “lagay”) iyan kaya napakamahal ng proyektong iyan.” O kaya’y ganito naman: “Hindi maganda ang pagkakayari niyan dahil malaki ang SOP”. Sa maraming mga opisina ay gayon din, kailangang suyuin (lagyan) mo ang “daga” para umusad ng mabilis ang papeles mo.

    Mayroon nga rin tayong mga “pusa” na tumitingin sa mga gawain ng “daga” ukol sa mga pagawain o kaya ay mga transaksiyon. Pero ang ipinagtataka ko, matapos na “ngumiya-ngiyaw” iyang mga “pusa”, wala naman ako nakikitang mga nahuhuling mga daga. Hangga ngayon, marami pa ring mga “daga” sa iba’t ibang ahensiya at mga tanggapan.



    Ano kaya, magparami na lang tayo ng mga “black rat”, na tinatawag ding “roof rat”, at ilagay natin sa mga upisina, lansangan, at kung saan-saan pang maraming mga mapaminsalang “daga”.

    Alam ninyo, ang “black rat” ay siyang pangunahing tagapagdala ng kinatatakutang “bubonic plague”.

    Isama na rin kaya nating lagyan ng “black rat” ang mga “pusa” na nagiging mistulang “daga” na rin para malipol na rin sila.

    Kaya lang, sasabihin ninyo: “Hindi puede iyang ganyang sistema. Madadamay sa nakamamatay na “bubonic plague” ang mga walang kasalanan.”

    Tama nga naman. Kaya ano ang dapat gawin?

    Makisangkot…makiisa sa paglipol ng mga “daga”. At isama na rin nating puntiryahin ang mga “pusang” nag-aastang “daga” na rin sa kanilang mga maling trabaho.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here