SAMAL, Bataan — Nag-iwan ang bagyong Ulysses ng ilang punong kahoy na natumba, bubong na natuklap at ilang poste ng kuryenteng humilig at naputol sa Bataan.
Pabugso-bugso ang katamtaman hanggang malakas na ulan ganoon din ang katamtaman hanggang malakas na hangin ang nagsimulang naramdaman bago mag-alas 12 ng hatinggabi ng Miyerkules hanggang madaling araw ng Huwebes.
Habang dumaraan ang bagyo, nawalan ng kuryente ang malaking bahagi ng Bataan simula alas-12 ng hatinggabi ng Miyerkules hanggang sa kasalukuyan sinusulat ang balitang ito, bago katanghalian ng Huwebes.
Ilang malalaking punong kahoy sa Samal South Elementary School ang nabunot ang ugat at natumba. Ilang puno rin ang natumba sa Roman Highway ngunit maagap na naputol at naialis ng mga manggagawa ng Department of Public Works and Highways at Metro Bataan Development Authority kaya nadaanan din agad ang kalsada.
Nilipad naman ng hangin ang bahagi ng bubong ng Samal National High School.
“Pumutok at nagliyab, humampas na ganyan tapos nilipad ang bubong,” sabi nina Alfredo Ocampo at Betty Aquino.
May ilang poste naman ng kuryente sa Samal ang humilig at may isang naputol.
Patuloy ang pabugso-bugsong mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan at paminsan-minsang ihip ng katamtaman hanggang malakas na hangin na nagpapasayaw sa mga sanga ng puno.