Kung pusong mamon ka’t lubhang maramdamin,
Ang pulitika ay huwag mo nang pasukin,
Pagkat kundi ka man dating talusaling
Di malayong ika ay mahawa na rin
Sa maraming aywan kung bakit magmula
Nang pasukin itong arena nga yata
Ng mga balimbing at asal talangka,
Ang maging tapat sa kasama, humina.
At naging marupok na rin ang matibay
Na paninindigan sa lahat ng bagay,
Partikular na ang dati ay mahusay
Na pakikisama sa katotong tunay.
Gaya na lamang ng dati’y magka-sangga
Sa isang partido na kung saan sila
Congressman at saka Mayor itong isa,
Pero ngayon bigla ay magkalaban na?
At mayrun din namang dati ay Vice Mayor
Ng isang natalong ‘mayorable’ noon,
Subali’t sa kampo na ng isa ngayon
Nakatiket sa darating na eleksyon.
May mga instansya rin naman kung minsan,
Na kung alin itong siya ang naunang
Inihayag na siya ang makakatambal,
Bandang huli ay di pala itong pinal
Na maka-tandem n’yan kundi itong isa
N’yang kapwa councilor na pala-‘absent’ pa
Ang ipinalit at hindi ang tunay na
‘Active in service’ ang kinuha kumbaga.
O nang dahil na rin sa itong ‘politics’
Ay sadyang ika nga ay siyang daigdig
Ng tinatawag na ngayo’y sanggang-dikit,
Bukas – magka-away na o magkagalit?
Kaya nga’t kundi mo makayang lunukin
Ang kalakarang yan sa lipunan mandin
Ng mga doble kara at baligtarin,
Ang makisawsaw ay huwag mo nang isipin.
At ibilang pati sa bokubularyo
Ang ikaw ay maging isang pultiko,
Pagkat kung isa kang maramdaming tao
Ay baka ito pa ang ikasakit mo.
At kung ang naisi’y makapaglingkod lang
Sa kapwa kaya mo gustong pasukin yan,
Makasampu munang isipin kabayan
Bago ka lumusong nang di pagsisihan
Ang pagpasok sa isang bagay na magulo,
Pero sa mata ng iba’y paraiso,
Ang para sa inyong ‘columnist’ ay mundo
Nitong ang tawag ng marami ay “trapo?”
Na kaya lang yata gustong manatili
Sa ‘public service’ ay di para magsilbi,
Kundi ng dahil lang para sa sarili
At iba pang bagay hangga’t maari.
Kaya nga’t wala mang tiyak na katoto
Ang sanay magpalipat-lipat ng kampo,
Ya’y bale wala na sa panahong ito
Partikular na sa ibang pulitiko;
Na di man posible nating matatawag
Ang iba sa wikang hindi nararapat,
Pero di ba’t kakapusan ng dignidad
Ng isa ang talikuran niya’t sukat
Ang dati’y tumulong sa kanya ng husto
Upang bumango sa hawak na distrito,
Ngunit ngayong nagka-problema ang tao
Ay iniwan basta nang ya’y magka-kaso?!