Pulitika, walang tiyak na kasangga

    403
    0
    SHARE
    Pinakamatalik mang magkaibigan,
    Magkakamag-anak o iisang angkan,
    Sa ngayon, ang tunay na kahalagahan
    Ng bagay na yan ay dekorasyon na lang

    At bale wala na sa panahong ito
    Ang relasyong dapat igalang ng husto
    Ng nakararami nating pulitiko,
    Na tila wala na rin namang respeto

    Kahit sa sarili… basta’t manalo lang,
    Ay di baleng sila nga po’y mapintasan;
    Gaya nitong tuwing bago maghalalan
    Ay paiba-iba ng kampo ang ilan.

    Na lubhang malayo sa dati’y marangal
    Ng pagkakilala sa ‘ting pulitikal
    Na panuntunan at kagandahang asal,
    Itong sa ngayon ay tila umiiral.

    Bunsod na rin nitong ang iba siguro
    Ay tanging personal na interes nito
    Ang nasa isip at di pagseserbisyo
    Ng tapat sa bayan ang talagang plano.

    Kung kaya kahit na mag-‘over the bakod’
    Ay iba ay di na nangingiming lubos,
    At sa pakapalan na lamang ng apog
    Idinadaan ang kapritsong baluktot.

    Tama po ba namang dating magkalaban
    Ay magkatiket na sa kasalukuyan?
    At kung noon ay laging pinipintasan
    Pero ngayon ay pawang papuri naman?

    At mayrun di namang magkakampi noon
    Ngunit mahigpit na magkalaban ngayon;
    Gaya na lang nitong ilang ambisyosong
    Maging Pangulo sa susunod na taon.
     
    Liban sa iba pa na palipat-lipat
    Ng partido para lamang mai-‘line up’
    Sa inaakalang grupong mas malakas
    Kaya malamang na manalo at sukat.

    Pero pagdating sa sila-sila mismo
    Ay nag-aagawan sa iisang puesto,
    Ya’y magsisiraan sa kung anong punto
    Kahit pa man sila’y magkakapartido.

    At yan bunsod na rin nga po marahil
    Na ang pulitika’y walang pinipiling
    Katotong tunay na maasahan mandin
    Na magiging tapat at di talusaling.

    Pagkat sadya yatang itong pulitika
    Ay talagang walang tiyak na kasangga;
    Sa dahilang naging kaugalian na
    Ng nakararami ang paiba-iba

    Na ang niyayakap para lang manalo
    Di baleng sila ay pintasan ng tao, 
    Dala na rin nitong nahasa ng husto
    Ang iba sa ganyang uri ng estilo.

    Na mas masahol pa kung ihalintulad
    Sa kalapati r’yang mababa ang lipad,
    Itong aywan lang kung ano pang dignidad
    Mayrun ang marami nating ‘public servant.’

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here