CANDELARIA, Zambales – Patay ang isang kagawad ng Zambales PNP at isang hinihinalang drug pusher, samantalang isa pang pulis ang nasa malubhang kalagayan sa pagamutan nang magkasagupa ang mga ito at magpalitan ng putok sa Barangay Malimanga kamakalawa ng umaga sa bayang ito.
Kinilala ni Zambales Provincial Police Office (ZPPO), Director, Senior Supt. Rolando Felix ang biktimang si PO1 Michael Alba, nakatalaga sa 314th Zambales Provincial Mobile Group at resident eng Sta Cruz, Zambales at ang suspek na si Darryl Menor, isang umano’y drug pusher at residente ng Barangay Tubo-Tubo North, Sta Cruz, Zambales.
Si Alba ay dead on arrival sa Candelaria District Hospital bunga ng tinamo nitong tama ng bala sa katawan na naglagos sa kanyang kili-kili mula sa kalibre 45 pistola.
Nasa kritikal na kalagayan at sumasailalim sa operasyon sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital si PO1 Crispin Barretto ng Regional Mobile Group at naka-detail sa 314th PMG bunga ng tinamo nitong tama ng bala sa kaliwang braso mula sa kalibre 45 ng ito ay paputukan ng suspek.
Ayon kay Supt. Romeo De Castro, 314th PMG, Director, bandang 8:30 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya na ang suspek kasama ang asawa at anak sakay ng single motorcycle ay dadaan sa kanilang lugar kung kaya nagsagawa sila ng check point, at nang pahintuin ito sa check point para sa inspection ay binaliwala nito, kung kaya nag-warning shot ang pulisya hanggang sa masukol ito sa compound nina Barangay Captain Julio Echaleco kung saan nakipagpalitan ng putok ang suspek sa mga pulis.
Narekober mula sa suspek ang may apat na plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu at isang kalibre 45 pistola na may dalawang magazine na pawang naglalaman ng bala.