CABANATUAN CITY – Isang pulis ang binaril at napatay ng hindi nakilalang lalaki sa harapan ng isang ospital sa lungsod na ito noong Linggo na gabi.
Sa report ni Supt. Eliseo Cruz, hepe ng Cabanatuan City police, ang napatay ay kinilalang si Police Oficer 3 Paulino Gagarin.
Bukod sa pagiging pulis, si Gagarin ay may personal na negosyo, ayon sa report, at ito’y tinitingnan ng mga imbestigador bilang isang posibleng motibo ng pamamaslang.
Sa imbestigasyon, si Gagarin ay bumibili ng gamot sa isang botika sa tapat ng Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (PJGMRMC), sa kahabaan ng Mabini Street dito, bandang alas 6:30 kagabi ng pagbabarilin ng suspek.
Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktima.
Si Gagarin ay kamag-anak ni Senior Supt. Virgilio Fabros, Ilocos Sur PNP provincial director. Ang biktima ay nakatalaga sa Bulacan Provincial police office.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaslang sakay ng isang motorsiklo.
Ayon kay Cruz, tinitingnan nila na pagpapautang ni Gagarin ang posibleng motibo sa krimen. Dati siyang kagawad ng Nueva Ecija police provincial office (NEPPO) bago natalaga sa Bulacan.
Narekober ng pulisya mula sa pinangyarihan ng krimen ang 5 basyo ng bala mula sa kal. 45 pistola.