Home Headlines Publiko pinaalalahanan na laging irespeto ang mga monumento ni Hen. Isidoro Torres...

Publiko pinaalalahanan na laging irespeto ang mga monumento ni Hen. Isidoro Torres sa Malolos

161
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ng Malolos ang publiko na palaging bigyan ng pagpapahalaga at paggalang ang mga monumento ng bayaning si Heneral Isidoro Torres sa lungsod.

Iyan ang binigyang diin ni Jose Roly Marcelino, tagapagsalita ng City of Malolos Arts, Culture, Tourism and Sports Office, sa ginawang pag-alaala sa Ika-159 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng heneral na tubong Barangay Matimbo.

Matatandaan na ang pangunahing monumento na inialay para kay Heneral Torres ay matatagpuan sa bukana ng pamilihang lungsod ng Malolos.

Ito ang monumento ni Heneral Isidoro Torres sa loob ng campus ng General Isidoro Torres Memorial Elementary School sa Barangay Matimbo, Lungsod ng Malolos, Bulacan. Nagpaalala ang pamahalaang lungsod ng Malolos sa publiko na igalang ang mga monumento ng dating heneral na nakatindig sa kalungsuran. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Sa mga nakalipas na panahon, itinatali sa bahagi ng leeg, baywang at mga hita ng monumento ang mga tolda upang maging bubong ng ibang mga nagtitinda sa  nasabing palengke.

Habang ang pook-sinilangan ni Heneral Torres sa Barangay Matimbo na dating pinalibutan ng mga bahay ay nailayo na nang bahagya sa pagdaan ng panahon.

 Malapit naman dito ang monumentong inialay sa karangalan ng heneral sa loob ng campus ng General Isidoro Torres Memorial Elementary School.

Pinakabago sa mga monumento ng heneral ay matayog na matatagpuan sa Liwasang Republika na nasa harapan ng bagong City Hall ng Malolos.

Malaking hamon para sa pamahalaang lungsod ang pagbabantay sa mga ito kaya’t lubos na mahalaga na malaman at maintindihan ng lahat kung bakit ipinagpatayo ng mga monument si Heneral Torres, ani Marcelino.

Ayon kay Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Officer-in-Charge May Arlene Torres,  pinaka naalala ang dating heneral bilang naging alcalde mayor ng Bulacan na katumbas ng pagiging punong lalawigan o gobernador sa kasalukuyang panahon.

Nagsilbing tanggapan niya bilang alcalde mayor ang Gobierno Militar De La Plaza na ngayo’y matagumpay na moderlo ng adaptive-reusue bilang sangay na ng Manila Electric Railroad Company o MERALCO.

Naging delegado ng Kongreso ng Malolos na nagsesyon sa simbahan ng Barasoain mula Setyembre 15,1898 hanggang Enero 23, 1899.

Bukod dito, pinangunahan niya ang Inaugural Parade sa araw na pinasinayaan ang Unang Republika ng Pilipinas at nanumpa sa tungkulin si Heneral Emilio Aguinaldo bilang pangulo.

Sa panahon ng rebolusyon laban sa mga Kastila, itinatag niya ang Sangguniang Balangay Apoy na isang sangay ng Katipunan sa Malolos sa ilalim ni Andres Bonifacio. Kalaunan ay hinirang na heneral ng administrasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa ilalim ng Unang Republika.

Tinaguriang ‘Matang Lawin’ nang pamunuan niya ang madudugong labanan sa Paombong, San Rafael, Bagbag sa Calumpit, Catmon sa Malolos at sa Barasoain na noo’y hiwalay na pueblo o bayan sa kasagsagan ng himagsikan laban sa mga Kastila. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here