Home Headlines Publiko hinikayat sa maaga at tamang pagbayad ng buwis

Publiko hinikayat sa maaga at tamang pagbayad ng buwis

1242
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN – Pinaalalahanan ngayon ng Bureau of Internal Revenue ang mga empleyado, propesyunal at mga may negosyo na magbayad ng income tax return bago o hanggang sa April 15, 2021.

Ayon kay Revenue District Officer Lope Tubera ng RDO 23BSouth Nueva Ecija, higit na makabubuti sa taxpayer kung magbabayad nang maaga upang maiwasan ang penalty.

“Medyo malaki rin ang penalty kapag lumampas ng deadline aa April 15,” ani Tubera.

Binigyang-diin ng opisyal ng kahalagahan ng buwis bilang tulong sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya kaugnay ng coronavirus disease. “Kailangan ng gobyerno ng pambili ng bakuna at ipagpatuloy ang mga programa para sa mamamayan,” paliwanag ni Tubera.

Ang income tax ay ang buwis para sa kinikita ng isang tao tulad ng suweldo, emoluments, profits mula sa ari-arian, propesyon o negosyo, “or pertinent items of gross income” alinsunod sa Tax Code of 1997.

Hinggil sa komputasyon ng income tax, ipinaliwanag ni Asst. RDO Carlito Bohol na para sa mga tao na tanging suweldo lamang ang kinikita ay ibabawas ang personal exemption na P250,000.

Samantalang sa mga propesyonal, self-employed o negosyante ay may tatlong paraan aniya ng computation.

Una ay batay sa graduated tax rate matapos ibawas ang allowable personal exemption na P250,000 at itemized allowable deductions o 20%-35% ng sobra sa P250,000. Ikalawa ay ang 8% preferential tax rate at ikatlo ay ang optional standard deduction.

“Makabubuting tingnan natin kung alin ang pinakamagaan ang babayaran at iyon ang gamitin sa pagbabayad ng income tax” sabi ni Bohol. 

Para sa mga “pure compensation income” ay ang employer na lamang ang kailangang maghain ng income tax kaya’t hindi na  pipila sa pagbabayad at maabala sa trabaho ang mga kawani.

“Pero kung kayo po ay may suweldo at may negosyo katulad ng sari-sari store ay kailangan ninyong mag-file ng income tax return,” paalala pa niya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here