SAMAL, Bataan — Isang prusisyon ang ginanap ng mga kasapi ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) o Aglipay Church Linggo ng hapon sa bayang ito bilang paggunita sa Kapistahan ng Poong Nazareno.
Nagsimula ang prusisyon matapos ang Banal na Misa sa IFI Church sa ilalim ng Parokya ni Santa Catalina de Siena at umikot sa ilang barangay sa kabayanan ng Samal.
May katamtamang laki at may malalaking imahen ng Poong Nazareno na pinapasan, nakalulan sa karo at open vehicle na pawang napapalamutian ng mga bulaklak.
May ilang maliliit na imahen ang hawak ng ilang lumahok sa prusisyon.
Bago magsimula ang prusisyon ay nagpaalaala si Fr. Roderick Miranda, IFI – Samal parish priest, na sundin ang mga nakalatag na tagubilin tungkol sa safety at health protocol.
Ang mga deboto ay sumunod sa tagubilin at pinanatili ang social distancing at nakasuot ng face mask.
Maraming deboto rin ang pumipila ngayong Linggo upang makalapit at makapagpahid ng panyo sa imahen ng Poong Nazareno sa tagiliran ng magandang Saint Joseph Cathedral sa Balanga City.
Maayos ang pila at hindi naman nakakalimot ang mga mananampalataya na sundin ang pinaiiral na social distancing.