LUNGSOD NG BALANGA – Dumagsa ang maraming deboto sa prusisyong ginanap para sa selebrasyon ng Itim na Poong Nazareno sa palibot ng kabayanan ng lungsod na ito Lunes ng gabi.
Nagsimula ang prusisyon alas-6 ng gabi sa Saint Joseph Cathedral sa tapat ng Plaza Mayor de Balanga matapos ang isang Banal na Misa.
Maririnig ang madamdaming awiting “Nuestro Padre Jesus Nazareno” habang umuusad ang prusisyon.
Mula sa karo ng replika ng Itim na Poon, naghagis ng mga tuwalyita na ipinahid sa imahen si Jimmy Mangalindan, caretaker ng imahen, at ilang kasapi ng Hijos Nazareno de Balanga City. Namigay din ang mga ito ng kandila.
Noong Linggo, binendisyunan ni Bishop Ruperto Santos ang mga tuwalyita at kandila at maging ang andas o karo ng Poon.
Pinasalamatan ni Mangalindan si Bishop Santos, Fr. Ernie de Leon at ibang kaparian ng Bataan, city marshall, Balanga City police, Hijos Nazareno de Balanga at lahat ng tumulong para maging maayos ang Poon at ang prusisyon.