Home Opinion Proyektong nabimbin

Proyektong nabimbin

1005
0
SHARE

Ang mga proyektong, di natapos noon
na pinasimulan, ni ex-mayora Wong
ano ang sanhi at hindi itinuloy
ng kasalukuyang, namumuno ngayon,
na di lang ang salapi ang dito ginugol
at nasayang kundi pati na panahon.

Hayan, at ito ay nakatiwangwang lang
kung kaya’t marami ang nanghihinayang
sa mga kabilyang doon nakaabang
na nilamon na ng sariling kalawang,
kaysa taongbayan  itong nakinabang
kung itinuloy nga ni mayor Punsalan.

Kung ang proyekto ay para sa pag-unlad
ng bayan, dapat ay bigyang prayoridad,
nitong bagong halal ang isang katulad
ni LCW na may ‘unfinished job’,
at ito ang siyang ipatapos dapat
ni JP – kaysa ‘yan, mabimbin at sukat.

Pero nang dahil sa nais maungusan,
ang ngayo’y vice mayor, si JP nangutang
ng ‘millions of pesos’ para ipakitang
higit kaninumang naging alkalde riyan
mas maraming bagay siyang maipundar
sa panahon ng kanyang panunugkulan.

Gaya nga riyan nitong sa harapan mismo
nang ngayo’y ‘existing’ nating munisipyo,
may pinagagawa siyang panibago,
kaysa itinuloy ang sa Sto. Nino;
tama ba ang ganyang direktang insulto
sa binale walang malaking proyekto?

Nagawa na dapat ang ‘birthing station’
na lubhan kailangan dito San Simon,
COMELEC at ibang ‘offices extension,’
tulad ng PNP, ibang institusyon,
ang ‘One-Stop Shop na, ‘ready’na sa ngayon
o ‘Government Center’ kung pinagpatuloy.

Kasi nga iba ang binuksang proyekto
sa hindi malamang dahilan kung ano,
at kung ang katwiran ay “ay iba ang iyo”,
at “iba ang akin”, iyan ay hindi wasto.
Ang dapat isipin nila’y benepisyo
ng nakararami, hindi ang kredito.

Kung ang nasimulan na hindi natapos
ng dating alkaldeng nagsikhay ng lubos
hindi ba maaring iba ang tumapos?
Sa kanyang gawain, na biglang naudlot,
lalo na kung ito’y makapagdudulot
ng kaginhawaan sa paghihikahos?

Halimbawang itong namumuno ngayon
ay mayrong proyekto na isinusulong
at natalo sa susunod na eleksiyon,
maipatapos ba kung ang maging mayor
sa iba ibaling ang kanyang atensyon?
Sa ganito rin tiyak maaring humantong!

Kaya para walang proyektong mabimbin
iisa ang dapat nating pairalin,
sinumang maupo kailangang tapusin
ang di natapos na anumang ‘on going
project’ ng pina-litan sa tungkulin
ng kung sino pa mang maging mayor natin.

Hindi kung paano makibangayan
at magpalipad ng salitang maanghang;
hindi kung paano natin pahirapan
yaong mga tao  nitong nakalaban;
at di kung paano tayo r’yan yumaman
sa pangngurakot, sa kaban ng bayan!!!

Vhelle V. Garcia
February 16, 2021
United Arab Emirates

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here