GAPAN CITY – Ibinasura ng hukuman ang election protest na isinampa ng isang kandidato laban kay reelected Mayor Sylvia Austria ng Jaen, Nueva Ecija kaugnay ng May 2022 mayoralty elections.
Sa desisyon ng Regional Trial Court Branch 35 na may petsang Feb. 10, 2023, sa “Election Case No. 234-22 Antonio Prospero L. Esquivel vs. Sylvia Austria” ay sinabi nito na nabigo si Esquivel na patunayan ang merito ng kanyang protesta.
“As Esquivel failed to establish the merit of his protest, the recount of the ballots in the remaining contested precincts shall no longer proceed pursuant to Section 5, Rule 10 of the Rules,” saad sa pitong-pahinang desisyon ng hukuman na nilagdaan ni Acting Judge Arnold A. Garcia.
Batay sa certificate of canvass (COC) ng munisipalidad, si Austria ang naiproklamang nagwagi sa May 2022 elections matapos makakuha ng 23,288 votes, pangalawa si Ramir dela Cruz, 11,906; Tony Esquivel, 9,434; at Boy Laureano, 36.
Si Esquivel ay pumili ng 16 na clustered protested precincts upang patunayan ang merito ng kanyang protesta. Mula rito ay kailangan niyang makarekober ng hindi kukulangin sa 2,771 boto, o katumbas ng 20% ng 13,854 overall vote lead ni Austria para mapatunayan “substantial recovery,” ayon sa korte.
Ngunit matapos ang pagre-recount sa unang limang pilot protested precincts ay walang naging anumang nadagdag kay Esquivel at salip ay nabawasan pa siya ng 414 boto, ayon pa rin sa hukuman.
Matapos ito, batay sa rekord ng korte, ay hindi na sumipot ang mga “revisors” ni Esquivel nang walang anumang pasabi o sapat na dahilan kaya itinuturing na “waived” ang pagrebisa sa 11 iba pa.
Nagpapasalamat naman si Austria sa desisyon ng hukuman bagaman at kumpiyansa raw siya at ang kanyang mga kababayan na “magtatagumpay ang katotohanan.”
“Ako’y tuwang tuwa. Ang buong Jaen ay tuwang tuwa dahil nanaig din ang katotohanan,” ani Austria. “Sa paulit ulit na protesta ng aking katunggali ay nanaig ang katotohanan at ang Panginoon ay kinatigan muli ang nasa katwiran.”
Si Austria ay nasa ikatlong termino ngayon.