Protesta ni Obet laban kay Jon-jon naantala ng kaso ni Migz Zubiri

    424
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY – Lumalabo ang posibilidad na muling maupo bilang punong lalawigan ng Bulacan si dating Gob. Roberto Pagdanganan dahil sa pagkaantala ng kanyang isinampang protesta.

    Gayunpaman, sinabi ni Pagdanganan na umaasa siya na mabibigyang katarungan pa rin ang kanyang pagkatalo sa 2007 gubernatorial election sa Bulacan

    Ayon kay incumbent Gov. Joselito Mendoza, matatagalan pa bago madesisyunan ang protesta laban sa kanya ni Pagdanganan dahil sa hinakot ang mga balota sa Bulacan na nasa tanggapan ng Commission on Election sa Maynila patungo sa Senate Electoral Tribunal.

    “Malabo ang sinasabi niyang muling pag-upo dahil sa naipit ng election protest ni Pimentel kay Migz Zubiri yung mga balota sa Bulacan at ipinadadala sa Senate Electoral Tribunal,” ani Mendoza sa Punto nang siya ay makapanayam nitong Martes.

    Iginiit din ni Mendoza na wala siyang pangamba na matatanggal sa puwesto sanhi ng protestang isinampa ni Pagdanganan matapos ang halalan noong 2007.

    “Kung matatanggal ako, tiyak na mainit ang ulo ko, pero nakikita mo naman ngayon, wala akong sakit ng ulo at pangamba,” ani Mendoza.

    Hinggil naman sa pahayag ni Pagdanganan na lumamang siya ng may 80,000 boto laban kay Mendoza, sinabi ng governor na “bakit hindi siya lalamang ay doon siya sa mga bayan na iyon nanalo, eh, hindi pa nabibilang yung mga boto sa mga bayang nanalo ako.

    Para naman kay Pagdanganan, umaasa siya na lilitaw din ang katotohanan hinggil sa nasabing halalan.

    “Nagdadasal pa rin ako na lumitaw ang totoo dahil malinaw yung mga ebidensya na dinaya ako, kaya’t  lumamang ako ng muling bilangin ang boto sa 10 bayang iprinotesta ko,” ani Pagdanganan sa Punto kahapon.

    Hinggil naman sa mga pagkaantala sa kanyang protesta, sinabi ng dating gobernador na tanggap na niya iyon.

    “Nalulungkot din ako, pero tanggap ko naman na may mga delay sa mga legal process dahil may mga prosesong dapat pagdaanan,” aniya.

    Matatandaan na noong nakaraang Enero, sinabi ni Pagdanganan na malamang makabalik siya sa dating posisyon ngayong buwan ng Marso.

    Binanggit rin niya na na nong Disyembre ay sunod-sunod na mosyon ang isinampa ng kampo ni Mendoza sa Comelec upang maantala ang kanyang election protest.

    Bilang isang ehukutibo ng Unilever noong 1986, si Pagdanganan ay itinalagang gobernador ng Bulacan matapos ang Edsa Revolution, at nanungkulan hanggang 1998, kung kailan siya ay kumandidatong Senador ngunit natalo.

    Muli siyang kumandidatong senador noong 2001, ngunit hindi siya pinalad.

    Noong 2007, tinangka niyang magbalik sa Bulacan at nakaharap si Mendoza na isang dating kapitan ng Barangay at nakababatang kapatid ni dating Gob. Josie Dela Cruz na pumalit kay Pagdanganan noong 1998.

    Subalit tinalo ng dating kapitan ang dating gobernador ng maikapon si Mendoza ng botong 364,566, kumpara sa botong naipon ni Pagdanganan na  348,834 o kalamangang  boto na 15,732.

    Sa kabila nito, hindi pa rin sumuko si Pagdanganan at noong Hunyo 1, 2007 ay isinampa niya ang kanyang election protest sa Comelec laban kay Mendoza na tinagurian ng marami na “huling baraha ni Obet.” 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here