CABANATUAN CITY – Nakabinbin pa rin ang proklamasyon para sa nanalong kandidato sa pagka-alkalde ng Guimba, Nueva Ecija kahit tapos na ang canvassing of votes at lumalabas na mayroon nang nanalo sa May 9, 2022 elections.
Ayon kay Atty. Fernando Cot-om, provincial election supervisor, hinihintay pa ng municipal board of canvassers (MBOC) ang desisyon ng Commission on Elections hinggil sa petition for withdrawal of certificate of candidacy with prayer for substitution ni reelectionist Mayor Jose Dizon.
Hindi binanggit ni Cot-om ang petsa kung kailan inihain ang petisyon sapagkat ito’y nasa Comelec en banc ngunit lumalabas na isinampa ito sa komisyon matapos ang Nov. 15, 2021 deadline.
Batay sa canvassing, si Dizon ay nakakuha ng kabuuang boto na 41,721 o kalamangang 21,253 kontra sa 20,468 ng kanyang katunggali sa pagka-alkalde na si Ceferino Sta. Ana.
Maliban sa punong bayan, lahat ng nagwaging kandidato sa nasabing bayan ay nai-proklama na noong May 11, 2022.
Nilinaw ni Cot-om na maliban sa nasabing petisyon ay walang anumang dahilan sa pagkaantala ng proklamasyon sa nagwaging mayor dahil naging maayos at mapayapa, aniya, ang naganap ma halalan sa Guimba, isa mga pinakamalaking bayan na nasasakupan ng unang distrito ng Nueva Ecija.
“It’s so unfortunate that on election day even up to now ay wala pang lumalabas na desisyon,” sabi ni Cot-om.
Pero tinatalakay na, aniya, ito ng Comelec. “I believe that before the start of the new administration on the 30th of June ay meron naman na sigurong desisyon diyan,” aniya.
Ngunit habang tumatagal ay tumataas ang ispekulasyon sa iba’t ibang senaryo na maaaring maganap dahil sa petition for withdrawal of COC with prayer for substitution ng incumbent mayor.
Ayon sa ilang sources, kung sakaling tanggapin ng Comelec ang withdrawal of certificate of candidacy ni Dizon at tanggihan ang substitution dahil ito’y inihain lagpas sa Nov. 15 deadline ay posibleng ang kalaban ang ideklarang panalo.
Kung sakali naman umano na sabihin ng Comelec na dapat ipagpatuloy ang kandidatura ni Dizon ay dapat siyang ma-proklama.
Gayunman ay maaaring maging kasunod na usapin umano ang usapin ng physical disability na binanggit daw bilang dahilan sa kanyang inihaing petition for substitution.
Si Dizon ay kasalakuyang naka-indefinite leave of absence kaya’t si Vice Mayor Lito Galapon ang umaaktong alkalde ng bayan.