Nakatuon sa programang pangkalusugan ang karamihan sa mga lokal na pamahalaan sa Pampanga ngayon.
Sa katunayan, ito ang prayoridad ng administrasyon ni Gov. Lilia “Nanay Baby” Pineda.
Sa simula ng kanyang pamamahala, agad niyang ipinagutos na ayusin at pagandahin ang mga pampublikong ospital (district hospitals) sa Pampanga.
Kasama narin dito ang pagbili ng mga makabagong kagamitang pang-medikal at pagbibigay ng malaking diskwento sa mga mahihirap na cabalen na nagpapagamot lalo na ang mga kailangang operahan.
Binuksan naman nang nakaraang buwan ang city dialysis center sa Lungsod ng Angeles sa pangunguna ni Mayor Edgardo D. Pamintuan. Ang mga nagpapagamot ngayon ay nakakatipid ng malaki dahil sa diskwentong ibinibigay ng nasabing center.
Nakahanda narin ayusin at pagandahin ang Ospital Ning Angeles para mas madami pang mga kapus-palad na may sakit ang makapagpagamot ng libre.
Ang Lungsod ng San Fernando naman ay may programang pangkalusugan para sa mga Fernandinong may tuberculosis.
Malaki ang naitutulong ng mga programang ito sa mga mahihirap na mga Kapampangan, ngunit malaki din naman ang nagagastos ng mga pamahalaang lokal.
Maliban sa pagpapasweldo sa mga duktor, mga nurse at iba pang mga empleyado, kailangan din ng kaukulang pondo para sa pagbili ng mga ibat ibang mamahaling gamot, sasakyan, mga makabagong kagamitang pang-medikal, at marami pang iba.
Kasama din dito ang pagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga kailangang maoperahan, sa mga na-dengue, sa mga nagpapa-dialysis, at sa mga pasyenteng walang ano man sa buhay.
Bagamat malaki ang kinikita ng lalawigan ng Pampanga sa quarry, kulang na kulang parin ang pondo ng kapitolyo upang matugunan ang lahat ng mga pangangailangang pang-kalusugan at pang-medikal.
Maging ang ibang pamahalaang lokal ay kapos din sa pondo upang lubos na matugunan ang mga programang ito ng kanilang mga nasasakupan.
Nakakatulong kahit papaano ang pagiging miyembro sa PhilHealth pero hindi rin kayang bayaran nito ang lahat ng gastos sa pagpapagamot o pagpapa-confine sa ospital.
Hindi ako nagmamarunong ngunit mas makakabuti at makakatulong ng malaki kung pagtutuunan ng pansin ng mga kasalukuyang nanunungkulan ang pagkakaroon ng mga programa at malawakang pagtuturo sa mga tao kung papaano makakaiwas sa sakit.
Sa pagiwas sa sakit ay nakakaiwas din tayo sa masamang dulot ng mga malalakas na gamot at mga anti-biotics na nakapagpapahina ng immune system natin.
Ayon sa World Health Organization, 70 porsyento ng dahilan ng pagkamatay ng isang tao (mortality) ay dahil sa overprescription of medicines.
Madaming mga bagay ang gusto at dapat malaman ng mga tao tungkol sa kalusugan. Isa na dito ay tungkol sa paginom ng paracetamol tuwing tayo ay nilalagnat. Naiibsan ang ating kakaramdam ngunit atin bang alam kung ano ang side-effect nito sa ating atay?
Ganun din naman ang paginom ng mefenamic acid. Oo at nawawala ang matinding sakit na ating nararamdaman ngunit alam ba natin ang side-effect nito sa ating bato?
Naisip ko tuloy na sa kabila ng pagkakaroon ng moderno at makabagong teknolohiya, ng internet at ng mga cellphone ay mas madami ang hindi nakakaalam ng mga tamang paraan ng pagiwas sa sakit.
Sa isang pagkakataon, dalawang duktor ang aking tinanong kung mabuti at nakakatulong ba ang paginom ng alkaline water upang makaiwas sa mga sakit kagaya ng diabetes at hypertension.
Nabigla ako at hindi pareho ang kanilang sagot. Ang isa’y nagpayo sa akin na huwag ng uminom nito samantalang ang isa naman ay nagsabing ang alkaline water ay mabuti sa katawan.
Sa pagbibigay ng tamang impormasyon ukol sa pangangalaga sa kalusugan, ang pamahalaan at ang mga mamamayan din naman ang makikinabang.